Sa promo at publicity lang magkakatalo ang mga pelikula sa MMFF

Sa pamamagitan ng isang pahayag na ayaw na sa death penalty at dapat nang ibasura ang batas na ito ng Kongreso, parang naging obsolete na para talakayin pa ang tema ng pelikulang Death Row. Minadali pa naman ng GMA Films upang maihabol ang pelikula sa deadline at halos hindi raw natutulog si direk Joel Lamangan sa kalalagare sa iba’t ibang locations sa Laguna mabuo lamang ang pelikulang kinasasangkutan bukod kina Eddie Garcia at Cogie Domingo ay sina Anita Linda, Jacklyn Jose, Angelika dela Cruz, Pen Medina, Rey Ventura at iba pang paboritong aktor ni direk Joel.

Pero malaki naman ang pag-asa ng pelikulang magtagumpay dahil headliner si Eddie Garcia at si Eddie tulad nina Dolphy at Rudy Fernandez ay beterano ng mga festival at laging may hila sa takilya. Natural lang siguro na ilista ang ranggo ng mga entries according to the awards received on December 27 and the box-office results by January 3, pero hindi naman siguro kahiya-hiya ang maging kulelat sa listahan ng MMFF 2000 dahil bawat anim na pelikula ay matitino at karapat-dapat maging number one sa takilya o sa awards. Ang lagay ay swerte-swerte na lang.

There is something for everyone. Syempre ako mauuna na sa pilahan ng Tanging Yaman at Sugatang Puso. May nagsasabi namang kagulat-gulat ang special effects ng Spirit Warriors kaya baka ito ang maging box-office champion. At ang mga action movies naman gaya ng kina Rudy Fernandez at Eddie Garcia ay may sarili namang hukbo ng mga fans.

Magkakatalo na lang daw sa pabonggahan ng mga promo at publicity ang pelikula at may advantage agad diyan ang Star Cinema at GMA Films dahil may television companies silang aalalay sa kanilang marketing activities.
Sikat na imports sa H'wood
Taun-taon sa Hollywood may mga sumisikat na import at dahil siguro sa kanilang kakaibang accent o figure, nakakaakit sila ng mga tagahanga sa mga audiences sa Amerika. Ang tradisyon ng pagbabakasakali at bukas na pagkakataon ay aktibo pa rin hanggang ngayon sa US kaya maraming stars ngayon sa Hollywood na may hinaharap na tagumpay ang masasabing foreigners. Nariyan na si Mel Gibson na isang Australian, si Arnold Schwarzenegger na Austrian, si Hugh Grant na British. Pinapasok na rin ng mga Chinese ang Hollywood pero sa tingin ko parang pana-panahon lang din iyon. Ngayon ay panahon ng mga Australyano dahil bukod pa kay Heath Ledger at Russel Crowe, nariyan pa si Guy Pearce at Hugh Jackman at ang pinaka-latest ay si Adam Garcia.

Nakita ko na si Adam sa Cayote Ugly at napanood ko siya kamakailan sa Bootmen, isang dance musical movie tungkol sa mga steel factory workers sa isang maliit na Australian community. Hindi mo aakalain na sa lugar na ito ng mga blue collar workers ay magkakaroon ng grupo ng mga machong mahihilig sumayaw at hindi basta ayaw sa ballroom o hiphop kundi iyong tap dancing at complicated choreography at ang set na kanilang pinagpa-praktisan ay sa loob ng pabrika na may girders, scaffoldings at malalaking gusaling kanilang itinatayo.

Ang mga Bootmen ay hindi tulad ng mga local dancers natin tulad ng Manouevres at Streetboys na nagpapalambutan ng kilos. Ang Bootmen paa ang sumasayaw at hindi katawan. Matitipuno sila at wala kang mahalatang kabadingan sa kanilang grupo. Matagal na kasing nasa isip ng madla na ang showbiz ay gawaing pambabae o kaya pambading at ang pagiging aktor na umiikot sa mundo ng mga pagkukunwari ng pagme-make-up, pantasya at ilusyon ay hindi trabaho ng mga macho. Ang mga Bootmen ay talaga namang nagpapaka-macho at si Adam Garcia na siyang bida ang pinaka-cute sa kanilang lahat.

Ginagawa pa lang ang Markova, Comfort Gay, matunog na matunog na ang balita na ito ay isang quality at ganadong-ganado si Mang Dolphy sa project. Makasaysayan daw dahil tatalakayin ng pelikula hindi lang ang isang paboritong subject ng mga Pinoy–ang kabaklaan–at isang social issue tungkol sa sinapit na kaapihan ng mga bakla noong panahon ng Hapon. All throughout the production ay ang gaganda ng feedback. Ang direktor na si Gil Portes ay batikan na sa mga awards. Kaya naman with bated breath and anticipation, go kami sa premiere night sa Glorietta.

It is a good film but not all extraordinary. What does the film show? That Mang Dolphy is still the legendary, quintessential faggot of the Philippine movies at the age of 70(?). Ang pagbabakla ni Eric Quizon sa pelikula ay hindi naman nakakadagdag ng anumang intriga dahil ang kontrobersiya kung bading nga sina Eric in real life ay matagal nang namatay, nabuhay at namatay muli. Ang verdict ko, magaling na aktor si Eric at batay sa pelikulang ito, lalake siya. Ang talagang revelation dito sa Markova ay si Jeffrey Quizon at iyon ang opinyon ng nakararami. May kutob pa nga akong si Jeffrey ang tatanghaling best supporting actor.

Show comments