YAMmy Christmas sa Rembrandt

Magpapasiklab nang husto si Yam Ledesma sa isang pabulosong konsiyerto na pinamagatang YAMmy Christmas na gaganapin sa Downtown ng Hotel Rembrandt ngayong gabi. Panauhin ni Yam dito ang komedyanteng si Leonard Obal na siguradong magpapasakit sa tiyan ng mga manonood sa kakaibang istilo nito ng pagpapatawa.

Bale ito ang pamaskong handog ni Yam sa kanyang mga tagasunod, kaya naman nangangako siyang bigay-hilig ang gagawing pag-awit. Nauna rito, si Yam ay nagkaroon ng isang matagumpay na konsiyerto sa Kampo na ginanap noong unang araw ng Disyembre.

Bukod sa pagiging abala sa mga konsiyerto, sa loob at labas ng showbis, si Yam ay napapanood din araw-araw bilang isa sa host ng Lunch Break. At hindi lang yan, si Yam ay napapanood din sa pelikula. Katunayan, bale labing-tatlo na ang kanyang naging pelikula, ang pinakahuli nga rito ay ang Japino na malamang na ipalabas pa sa ibang bansa.

Matagal nang umaawit si Yam. Nagsimula siya bilang bokalista ng grupong Brown Sugar Band na talaga namang pinapalakpakan saan mang lugar magtanghal.

Ang konsiyerto ay magsisimula sa ganap na ika-sampu. Mabibili ang tiket sa gate bago magsimula ang pagtatanghal. Ang ilan sa kanyang sponsor ay ang MMG Films at Ellen’s Dermcare products.

Show comments