Kakaibang mensaheng Pamasko ng GMA

Bumagsak na piso, mataas na presyo ng bilihin at kauna-unahang kasong impeachment laban sa Pangulo ng bansa. Marami ngang nagsasabi na hindi gaanong masaya ang Pasko ngayon. Sa gitna nito, ang multi-awarded promotions team ng GMA, ang Creative Services, ay naglunsad ng kakaibang mensaheng pamasko na magpapangiti sa sambayanan.

Sa una at maaring huling pagkakataon, nagkasama (at kumanta pa!) sina Pres. Joseph Estrada, Chavit Singson, Cardinal Sin, Bro. Mike Velarde, Cory Aquino, Gloria Macapagal-Arroyo, Fidel Ramos, Miriam Defensor-Santiago, Franklin Drilon, Manny Villar atbp. Siyempre "wishful thinking" lang. "Wa-is" lang talaga ang mga nakaisip gumawa nito. Pero lahat ng makapanood ay sobra ang tuwa sa mga kumantang caricature nina Erap and company. Sana nga’y lahat sila ay maisipang dibdibin ang mensahe nitong "Let there be peace on earth (and let it begin with me)."

Isa na naman itong creation mula sa grupong pinangungunahan ni Butch Jimenez na sa taon lang na ito’y nagkamit ng tatllong Gold Awards mula sa Promax International (World AIDS Day ’99), sa Fuji titles Fair (Generation Now) at Promax Asia (Mother’s Day 2000). Mapapanood ang Peace promo spot hanggang December 31 sa GMA.

Show comments