Wholesome na si KK !

Wholesome na raw si Klaudia Koronel. Ang kilalang boldstar, na ang pinaka-forte ay ang paghuhubad sa harap ng kamera ay nakumbinsing magbida, kasama ang komedyanteng si Leo Martinez sa isang comedy-drama na may titulong Torotot, unang proyekto ng bagong tatag na Film Makers Cooperative Incorporation (FCI) sa ilalim ng pamamahala ni direktor Arsenio "Boots" Bautista, founder ng naturang kooperatiba.

"Wala akong masabi matapos na maipaliwanag sa akin ni direk Boots Bautista ang layunin ng nabanggit na kooperatiba para sa iba’t ibang antas ng manggagawa sa industriya ng pelikulang Pilipino," paglalahad ni KK. "Sino ba naman ang hindi makukumbinsing sumapi sa kooperatiba, hindi lang basta ordinaryong artista na binabayaran ang talent pagkatapos ay tapos na rin ang kaugnayan mo sa samahan. Dito sa FCI iba. Artista ka na, producer ka pang matatawag. Kasama ka sa hirap at ginhawa, sa pag-unlad at sa pagbagsak, sapagkat kabilang ka sa ilan sa mga investors. Kalahati ng iyong kinita bilang isang artista ay naka-invest sa kooperatiba. Sa dahilang ito kung kaya madali akong nakumbinsi ni direk Boots at nakita ko naman ang kabutihang maidudulot nito para sa aming lahat na involved sa pagsasapelikula nitong Torotot.

Malaki ang tiwala ni Klaudia Koronel na ang ideyang ito ni direk Boots ay magiging epektibo. Malamang kaysa hindi, ang bagong sistemang ito sa pagpo-produce ng pelikula ay maging daan tungo sa ikakabalik ng dating init at sigla ng ating sariling industriya ng pelikulang Pilipino. Ito umano ang sistema ng kooperatiba.

Pagkatapos ng Torotot ay susundan daw agad ito ng Walang Tiki-Tiki at Kapirasong Gubat. –Rl Morota

Show comments