Tara, nahirapan kay Jestoni

Kung merong isang baguhan sa showbiz na kay bilis magkaroon ng projects, iyon ay si Tara Viros. Tatlo na agad ang nakuhang proyekto sa kanya ni Jojo Veloso. Introducing siya sa Naghuhumiyaw...Masahol Pa sa Hayop kung saan gumanap siya bilang pamangkin ni Allona Amor, Anak sa Labas kung saan kapatid siya ni Gary Estrada at ni-rape ni Leo Rabago at Apoy sa Karagatan bilang leading lady ni Jestoni Alarcon.

Kabilang sa mga direktor ni Tara sa nasabing mga pelikula ay sina Cesar Sb. Abella, Mauro Gia Samonte at Joven Tan. At sino ang nagagalingan kay Tara sa kanila? "Si direk Joven Tan po," sagot ni Tara na parang kataka-taka. "Kasi po, mino-motivate niya kaming mabuti sa pag-acting at may sistema siya."

Baguhan kasi si Tara at balitang inaalalayan ng baguhan ding direktor. Balita pa nga ay laging take one si Tara dahil ang dali niyang nakasunod sa tagubilin ni direk Joven. "Hindi naman ako nahirapan sa rape scene dahil mahusay itong naidirek. Si Leo naman ay naging maingat sa action niya bilang rapist."

Sa love scenes nahirapan si Tara sa pelikula nila ni Jestoni. "Kasi, kailangan kong ipakita ang boobs ko eh first time kong gagawin yon. First time ko ring mahalikan sa lips dahil virgin pa nga ako. Pero okey lang naman dahil gentleman si Jestoni at crush ko rin."

Sinusulat ito, may bago na namang pelikula si Tara na mahigit isang linggo rin tatapusin. Ito ang Ang Babae sa Salamin kung saan pareho silang bida ni Aya Medel. "Bale ako yung misteryosang babae rito na nakikita ni Aya sa salamin. Ang direktor nito ay si Angelito de Guzman, anak ng dating direktor Armando de Guzman."

Apat-apat nga ang pelikula ni Tara, kailan naman maipapalabas ito? "Yon ang hanging question," sabi ni Jojo. "Kasi, wala pa talagang exact playdate. Ang mangyayari nga diyan, kung alin ang maunang movie ni Tara, doon siya introducing."

Sabi naman ni Tara, "Sana, kung alin ang una kong ginawa, yon ang ipalabas muna, kasi, kung ang mauuna, yung leading lady na ako, baka malito ang publiko. Yung Naghuhumiyaw sana ang unang mai-release."

Lately, may nagsulat na dahil bakasyon ngayon si Mayumi Maderazo, ang ipantatapat na ngayon kay Halina Perez ay itong si Tara. "Sana, ’wag na nilang gawin yang tapatang ganyan, eh si Halina, ang dami nang nagawang pelikula at may naipalabas na samantalang ako, wala pang ipinapalabas sa mga sinehan.

"Hindi naman ako nag-artista para makipagkumpitensiya, sa sarili ko muna ako makikipag-compete. Gusto ko kasing makilala bilang versatile actress. Yon bang hindi lang magaling sa drama kundi pati sa comedy. Gusto kong tahakin yung landas ng paborito kong aktres na si Maricel Soriano, napakahusay niya sa drama at comedy. Talagang hinahangaan ko siya. Bilib ako talaga kay Maricel."
*****
Marami ang nagulat nang bigla na lang nilang nakita ang action star na si Ronald Gan Ledesma na kasama sa hanay ng hosts sa isang noontime TV program Lunchbreak over Channel 13.

"Noong una, para nga akong nag-aalangan," sabi niya nang kausapin ko sa Broadcast City noong Lunes. "Kasi, parang ang layo, action star ako, tapos, nagti-TV host. Pero would you believe, malaki ang naitulong ng TV exposure ko sa personality development ko? Hindi na ako mahiyain ngayon. Na-improve din ang pagsasalita ko. Dati kasi, kinakain ko yung mga salita ko, pero ngayon, hindi na. May portion akong sarili rito na naipapakita ko ang kakayahan ko sa pangangarate."

Madali namang ipaliwanag kung bakit naroon sa show na iyon ang aktor. Ang nanay niya ang tumatayong producer ng programa. Ang kapatid niyang si Jennifer ang direktor. Kasama niya bilang co-hosts ang bunsong kapatid na si Yam. At co-host din ang girlfriend niyang si Hanna Villame.

"Three years ko nang girlfriend si Hanna. Gusto ko ang ugali niya at katangian, mabait na siya, maganda pa. Matagal nang magkaibigan ang parents namin. Sa tagal ng friendship namin, kilala na namin ang isa’t isa.

"Laging may nagtatanong kung kelan daw kami magpapakasal ni Hanna. Feeling namin, masyado pang maaga, kasi, bata pa naman kami at gusto rin naming umalagwa muna ang career namin. Hindi pa stable ang career ko. Pag stable na saka na ako mag-aasawa, magpapakasal."

Dalawa na ang natapos na pelikula ng MMG action star, Japino na pinangungunahan ni Gin Suzuki at Hindi Sisiw ang Kalaban Mo kasama si Roi Vinzon. Ang huli ang entry ni Ronald para sa Metro Manila Film Festival. "Sana pumasok ito this December kasi, talagang maganda," pahayag ng aktor na limang taon na palang mahigit sa showbiz.

Dahil sa good image ni Ronald, maraming taga-Las Piñas ang inaawitan siyang kumandidato bilang konsehal sa darating na halalan. "Pero tumanggi ako. Kasi, hindi ko pa feel."

Apektado ba ang mga artista ngayon dahil sa pinasukang impeachment case ng Pangulong Erap?

"Palagay ko, hindi. In fact, mas marami ngang artista ang tatakbo sa pulitika ngayon, eh dito na lang sa Las Piñas, tatakbong mayor si Tirso Cruz III at si Andrew E. naman ang katiket niya bilang vice-mayor.

Sa nangyayari ngayon sa bansa, mas gusto ni Ronald na maging mapayapa ang lahat. "Gusto ko, patapusin na lang si Erap sa kanyang administrasyon. Kasi, hindi naman ako naniniwala na ang lahat ng mga paninira sa kanya ay totoo. Meron ding hindi totoo, di ba? Ano’ng malay natin, baka mas marami ang hindi totoo, di ba?"

At alin ang hindi totoo, tanong ko. Hindi na nakasagot ang aktor. Time na kasi para siya magbihis at ire-touch ng artist ang kanyang make-up dahil sasalang na siya sa kamera.

Show comments