Eraserheads, Ronnie Ricketts & family sa opening ng Boom na Boom

Ang Eraserheads, ang pinakasikat na banda sa bansa, sa isang libreng konsiyertong gaganapin sa pagbubukas ng Boom na Boom carnival sa Roxas Blvd., Pasay City ngayong Sabado, ika-25 ng Nobyembre.

Pormal na magbubukas ang mga pintuan ng Boom na Boom, ang pinakasikat na karnabal tuwing Kapaskuhan, kung saan si Mayor Peewee Trinidad ng Pasay ang panauhing pandangal.

Naging espesyal na panauhin naman ang aktor na si Ronnie Ricketts, ang asawang aktres na si Mariz at ang kanilang mga anak, isang tanda na tunay na hangad ng karnabal na makapaghatid ng saya at tuwa sa buong pamilya.

Ang libreng konsiyerto ng Eraserheads ay handog ng Pop Cola na ginanap sa Boom na Boom stage area. Tiyak na aawitin ng banda ang pinakasikat nilang mga awitin para sa kanilang mga tagahanga.

Ayon kay Boom na Boom director general Haydee Kwan, may dagdag na panoorin sa Boom na Boom sa kabuuan ng pagbubukas ng karnabal hanggang Enero 7, 2001 na kinabibilangan ng Mardi Gras dance parades, jugglers, acrobats, mga payaso, fire eaters at madyikero.

Gayundin, naglagay ang pamunuan ng Boom na Boom ng mga race tracks para sa mini-4WDs na usong uso ngayon upang makatikim naman ang mga bata na maglaro sa mga ganitong race tracks na wala sa kanilang mga lugar.

Puwedeng paglaruan ang mga race tracks araw-araw mula ika-4 ng hapon hanggang ika-8 ng gabi. Tuwing Sabado at Linggo ay may mga karera pang magbibigay ng mga premyo sa magwawagi.

Ibinabalik din ng Boom na Boom ang pakulo nitong Ride-All-You Can kung saan mahigit 40 rides ang puwedeng sakyan ng mga bisita sa halagang P150 lamang, kasama na ang entrance. Puwede pang paulit-ulit ang pagsakay.

Para sa mga ayaw sa Ride-All-You-Can promo, magbibigay pa rin ang Boom na Boom ng isang libreng ride sa bawat pagbili ng entrance ticket hanggang Disyembre 16 lamang.

Show comments