Sa mga prize winning movies ng ibang bansa tulad ng sa Iran, New Zealand, maging Japan at Germany na napanood ko, mahihirap din ang buhay ng mga karakter sa pelikula pero lahat sila ay may dignidad, medyo dakila ang kanilang motibo, hindi sila nagpapatangay sa sistema ng kasamaan, hindi nila binibigyang katwiran ang kanilang kasalanan at kamalian. Pero sa local movies talagang hinihigop na yata ng commercialism ang buong industry dahil puro sex, puro karahasan na lamang ang nagiging tema ng mga pelikula tungkol sa drugs, prostitution, violence at kung anu-ano pang kriminalidad. Yun daw ang mabili sa mga manonood. Mas marami raw ang interesado sa buhay ng kriminal kaysa buhay ng isang bayani. Ewan ko ba kung bakit?
Kaya naman sobra ang aking kasiyahan dahil nang mapanood ko ang Men of Honor noong isang gabi sa SM Megamall ay puno ang sinehan na naka-focus sa pagsubaybay sa mga eksena ng pelikula na tungkol sa mga tauhang militar ng U.S. Navy. Ang bida sa pelikula ay si Cuba Gooding, Jr., isang black African-American. Lumaki siya bilang isang mahirap na anak ng isang kasama sa isang pataniman sa Georgia. Sa papel ni Carl Brasheer, Jr. na hango sa isang tunay na tao, matatag at malakas ang personalidad ni Carl, para maging ehemplo ng kadakilaan. Pantay-pantay na raw ang lahat ng mga mamamayan sa Amerika pero may mga sitwasyon din na hindi ka lubos na pantay kapag negro ka magpahanggang sa kasalukuyan.
Nasa pelikula rin si Charlize Theron na halos di ko makilala dahil itim ang dati niyang blonde na buhok at may kalabuan sa akin ang kanyang role bilang asawa ni De Niro. Parang mayaman at maimpluwensiya siyang babae na nakakatulong sa iba’t ibang opisina ng gobyerno.
Mas interesting nga siguro ang role ni De Niro bilang si Billy Sunday, ang master chief diver na may pagka-basagulero, madalas mapaaway pero may sariling code of honor. Si Cuba ay bagay na bagay sa kanyang papel bilang Carl Brasheer dahil damang-dama niya ang feeling ng isang pinag-iinitang tao na nang dahil lamang sa kanyang kulay. Pati nga butas ng ilong ni Cuba ay umaarte at feel mo rin na ang kanyang kadakilaan bilang isang tao ay nagmumula sa kanyang puso at pamilya.