Mall Tour ni Emma dinumog

Dinumog ng mga tao ang unang mall tour ng singer-performer na si Emma Cordero na ginanap sa Farmers Plaza kamakailan at sinundan pa ito sa Target Mall sa Sta. Rosa, Laguna.

Ang dalawang mall tour ay kaugnay sa promotion ng kanyang bagong kantang maharot na pinamagatang "Hello, My Love" na nakapaloob sa album niyang "The Best of Emma Cordero Vol. I" na prodyus ni June Quintana para sa Vicor Music Corporation.

Bagamat biglaan ang preparasyon ng show sa Farmers Plaza, ito ay dinaluhan ng mahigit limang libong katao at nakipagsaya sa singer na kararating lang noon galing sa isang series of shows sa Japan. Hindi inalintana ng mang-aawit mula sa Waray country ang pagod na kanyang dinanas noong makita niya ang ganoong karami ng taong nakisaya sa kanya lalo na sa pa-kontes kung saan dapat ay gagayahin ng mga contestant ang klase ng kanyang sayaw habang kumakanta ito. Limang daang piso, CD at t-shirt ang mga premyo.

Guest singer ni Bb. Cordero ang kanyang nakababatang kapatid na si Florie "Boy" Cordero na featured artist din sa kanyang album.

Nakatakdang magkaroon pa rin ng mall show si Cordero ngayong araw ng Linggo (Nob. 19) sa Ali Mall, Huwebes (Nob. 23) sa Isetan (Recto) at sa Sabado (Nob. 25) sa Tutuban Center malapit sa Divisoria.

Show comments