Malayo sa Sleepers ang 100 Girls ni Jonathan at bagaman nakakatuwa ang sex-comedy na ito, hindi ito kapani-paniwalang gawing istoryang-pampelikula sa Pilipinas. Ang puwede lang sa atin ay yung Nagbibinata na pinagbidahan ni Patrick Garcia at Mystrio na pinagbidahan ni Paolo Contis.
Sabi ni Paolo nitong huling makausap ko, "lahat ng teenagers ay pare-pareho naman ang hang-ups at anxieties, kaya lang, naiiba ang values. Sa ating bansa, most teenagers have family values. We respect our elders very much."
Noong maliit si Paolo, nasasabi niyang lahat sa Mommy Jean niya ang gusto niya, problema niya, pati na crushes. Pero nang lumaki na siya, hindi na. "When Pao became a teenager, hindi na ako nagsasasama sa mga tapings at shooting niya," sabi ni Mommy Jean. "Noong nasa Ang TV pa siya, talagang sinasamahan ko siya and I enjoyed being a mother for him. Pero nang lumaki na siya, tumangkad, hindi na puwede. Alam ko, nababarkada siya noon sa kapwa Ang TV stars, pero kinabahan ako nang mabalitaan kong nanliligaw na siya. Kasi bata pa siya, trese anyos palang nung time na yon."
Sixteen na ngayon ang Piscean kid (born March 14). And at 16, ano ang mga gustong gawin sa buhay ni Paolo? "I want a new car!" sabi niya. "Pero sabi ng Mommy ko, bago pa raw itong kotse ko kaya ito na muna. I respect her decision kaya ito na munang ginagamit ko."
Ano ba ang dahilan at gusto niyang magpatuloy sa pelikula at telebisyon? "Kasi, marami akong natututunan dito, about the facts of life schools can’t offer. Sa shooting o taping, halos matatanda ang mga kasama, di ba? I mean, you deal with your directors and you learn a lot from them, or your co-stars na older than you. They give you tips to improve your acting more and you learn from their experiences. Like marami akong natututuhan sa mga kaibigan kong sina kuya Aga Muhlach at Kuya Ian Veneracion.
Eighty years old na siya pero mukhang bata pa sa kanyang edad.
Wala namang hindi nakakakilala kay Tiya Dely lalo na kung ang pag-uusapan ay ang pagpayo niya sa mga problema na inihahain sa kanya. Sino mang nagkaisip na noong 50’s, 60’s at 70’s ay hindi puwedeng hindi siya makilala, lalo na nga at panahong ginto siya sa radyo. Ang kanyang Ito Ang Inyong Lingkod, Tiya Dely at Kasaysayan sa Mga Liham Kay Tiya Dely ay naging bahagi na ng pang-araw-araw na pakikinig ng madla. Kakontemporaryo niya si Rafael Yabut o Mang Paeng, at minsan, sabi ni Tiya Dely sa kanyang pang-gabing public service program sa DZRH, "Ako na lang ang natitira sa mga nakapanabayan kong broadcasters."
Synonymous to public service ang pangalan ni Tiya Dely gaya rin ng walang kamatayan niyang theme song, "Bella Filipina." Ang broadcasting career niya ay umabot na ng 60 years. Isa siya sa dahilan kung bakit ninais ni direk Heidi Sison na magkaroon ng reunion ang lahat ng naglingkod sa radyo na ginanap sa Edsa Shangri-la ilang buwan na ang nakararaan. Dito rin ginanap noong Linggo ang nakaraang kaarawan ng dakila at respetadong broadcaster.
"Mabuti na yung hangga’t buhay sila, nabibigyan pa sila ng karangalan," sabi ni direk Heidi. "Kung nakita mo lang ang enthusiasm ng lahat ng umattend, mga 200 ang dumating, lahat sila halos noon lang talaga nagkita-kitang muli, puwera lang yung mga active pa ngayon. Katuwaan talaga! Nag-improvise ng radio soap opera si Tina Loy, mini script, pinapunta sa stage yung ilang umattend na sanay sa radio drama, nakakatuwa, kasi meron talagang hindi nagdala ng eye glasses o reading glasses, pero pinipilit basahin yung script, kaya kantyawan! After that affair, we thought of reuniting or seeing each other again next time."
Isa si Tiya Dely na binigyan ng plaque of appreciation nang gabing iyon, bilang isang pioneering spirit ng broadcasting industry.
Late 30’s nang magsimula sa radyo si Tiya Dely. College student pa lang siya noon. Sasama-sama lang siya noon sa kapatid niyang si Lulu na isang radio talent, kakontemporaryo nina Lina Flor at Koko Trinidad.
Nang mag-asawa si Lulu, pumalit si Tiya Dely sa kanya. Para na siyang propesyonal dahil natutuhan na niya ang trabaho sa kamamasid lang sa kanyang kapatid. Nagsimula siya bilang singer-actress sa isang musical variety show sa KZRF, sina Atang dela Rama at Gerry Brandy ang nakasama niya bago magkadigma (World War II). Nakatrabaho rin niya ang comic duo na sina Dely Atay-atayan at Andoy Balum-balunan, pati grupo ni Frankie Gomez sa KZRF at KZIB.
Noong 1953 siya unang nagkaroon ng pagkakataon na magbigay-payo sa DZRH, sa tulong ng programa director na si Rey Oliver. At isinilang ang "Kasaysayan sa mga Liham kay Tiya Dely". Dumating din ang pagkakataon na naisapelikula ito, tulad sa tradisyon ng Kahapon Lamang ni Eddie Ilarde.
Sa ngayon, tatlong programa sa DZRH ang hawak ni Tiya Dely. Matatag pa rin siya, matalino at maganda. Otsenta anyos na siya pero parang iyon pa rin ang kanyang tinig noong panahon ng kanyang karurukan. At sana, magtagal pa siya sa larangang kanyang iningatan at minahal. "Love your job and your job will love you back," diin niya.