Huwag ninyong susubukan si Korina !

Kay Korina Sanchez, totoo ang kasabihang walang malaking nakakapuwing. Bagaman at medyo mababa siya sa karaniwang height ng isang babae, bawing-bawi siya hindi lamang sa kanyang katalinuhan kundi maging sa kagandahan. Kailangan lamang makausap n’yo siya at makilala para malaman na sa kabila ng kanyang maganda at cute na packaging ay naroro’n ang isang matapang na babae na handang ipakipaglaban ano man ang kanyang pinaniniwalaan. And she will go all the way, gaano man katagal abutin para mapalitaw ang katotohanan. Sabi nga niya sa isang masaya at mahabang kwentuhan kamakailan, sa mga kasong kinasangkutan niya, hindi siya ang nagsimula, nagtatanggal lamang siya at siya ang palaging nagdi-demanda.

One forgets the feisty broadcaster and instead gets amused by the fact na she is not conscious of the food she eats. Nang tanghaling yun, nagulat ako na makita na kayang kayang niyang magtumba ng dalawang (o mahigit pa yata) cheesecakes. There I was watching my diet and constantly failing to maintain a 34-inch waistline pero, siya ayun at siyang siya sa kanyang kinakaing chitsarong bulaklak, spicy chicken wings and spinach pizza.

Hindi ang kanyang pagtaba ang problema ng isang Korina Sanchez kundi kung paano mapaganda at mailagay sa ayos ang kanyang mga hinahawakang programa na sa kabutihang palad ay pawang may matataas na ratings – ang Balitang K at ang Isyu 101. Natsismis kamakailan na matu-tsugi ang ikalawang nabanggit na palabas na napapanood tuwing Miyerkules matapos ang Pulso, Aksyon, Balita pero, hanggang ngayon ay nananatili pa rin itong tsismis lamang. Patuloy ang pagtaas ng ratings nito. Sa kabila ng maraming provocations, nagagawa ni Korina na mamintina ang balanse ng programa sa pamamagitan ng pagiging moderator-host together with Sito Beltran bagaman at sa maraming okasyon ay nagaganyak siyang magbigay ng sarili niyang opinyon. O kuro-kuro.

"Hanga ako sa mga kabataan na naggi-guest sa show, nagagawa nilang isa boses maging ang mga bagay na pinaniniwalaan ko, at madalas ay hindi ko masabi, dahil moderator lang kami sa show," amin ni Korina.

She volunteers the fact na ipo-pursue niya ang kaso niya against Lolit Solis para maturuan ito ng leksyon. Also her anger against one major broadsheet and several journalists for the lies they print about her. Sinabi niyang hindi siya isang bastos na tao at kahit sino ay handa niyang harapin basta nasa katwiran siya.
* * *
Sinuswerte ang Viva Films. Sa kabila ng pananamlay ng mga moviegoers, kumikita ang kanilang mga pelikulang ipinalalabas na ang pinaka-latest ay ang pagsasama nina Mark Anthony Fernandez at Joyce Jimenez sa Biyaheng Langit. Nauna na rito ang pagiging big blockbuster ng Kailangan Ko’y Ikaw nina Regine at Robin. Inaasahang ito rin ang magiging kapalaran ng second major starrer ni Pops Fernandez, ang Gusto Ko Nang Lumigaya.

Sa kanilang inihahandang pelikula, na Juan & Ted (Wanted), inaasahan ng Viva na makakagawa sila ng isang bagong comic tandem sa katauhan nina Janno Gibbs at Bayani Agbayani. Ikalawang directorial assignment ito ni Al Tantay na nakatakdang mapanood sa Nob. 15.

Ang Juan & Ted ay tungkol sa dalawang preso na nakatakdang ma-salvage pero, himalang nakaligtas at nakapagtrabaho pa. Bumalik si Ted sa iskwela sa tulong ni Juan. Natagpuan nila ang kanilang sari-sariling pag-ibig. Sa pagitan nito, marami silang pinagdaanan na nagpakita ng kanilang mga tunay na katauhan. Na hindi sila lehitimong masasamang tao kundi mga biktima lamang ng kapalaran. Pinagbayaran ng mga tunay na salarin ang krimen na ibinintang sa dalawa and they live happily ever after.

Bagaman at parehong box-office star, gusto pa ring masiguro ng Viva na maging isang hit ang pelikula kung kaya binigyan sila ng mga seksing suporta gaya nina Angela Velez, Carla Guevarra, Maureen Larrazabal, mga popular na bagets like Anne Curtis, Chubi del Rosario, Vanna Garcia, JR Trinidad at Marky Lopez and senior stars Rico Puno, Edu Manzano, Cesar Montano, Richard Merck at sina Sharmaine Santiago, Kohol Ching Arellano, Mal Kimura, Caloy Alde, Jeffrey Tam, Boy Alano, Gary Lim, Jovit Moya at Dagul. O di ba, ang dami?!
* * *
Mayroon na naman palang dahilan para mag-celebrate ang Eezy Dancing. Dalawa sa mga dancers choreographers ng show, sina Egay Bautista at Acel Gallardo ay nanalo ng First Prize sa 4th National Dancesport Competition-Alaxan Cup, pre amateur Latin-American category. With their victory, inaasahan na malaki ang tsansa nila na mapili kapag naisali ang ballroom dancing sa 2004 Olympics, di ba Ms. Dance Sport Council of the Philippines president Becky Garcia?
* * *
Sayang at binagyo ang Pista ng mga Santo at Patay kundi siguro napakarami ang pumunta ng sementeryo kahapon at ngayon. Umaraw naman sumandali pero ang naging pag-ulan ng mga nakaraang araw ay naging dahilan para magputik ang mga sementeryo kaya minarapat na lamang ng marami na manatili na lamang sa kanilang mga bahay. Kami na taun-taon ay tradisyon nang pumupunta ng Loyola Marikina ay nagkasya na lamang sa pagsisindi ng kandila sa bahay at pagpapa-Misa sa simbahan para sa mga namatay naming mahal sa buhay. Frustrated ang mga bagets ko dahil hindi nakarampa sa sementeryo na isa sa mga pagkakataon na nagkakasama-sama silang magpipinsan at nagkakaroon ng bonding by praying and eating together, doing things together kahit yung magkwentuhan lamang. Ngayon ay maghihintay pa silang muli ng isa pang Araw Ng Mga Patay para magkasama-samang muli not unless na mayro’n uling ikasal sa pamilya, bawian ng buhay (knock on wood) o mag-birthday kaya.

Show comments