Japanese actor, in love kay Beth

Very vocal sa pagsasabi ang Japanese actor na si Jin Suzuki na narito sa bansa ngayon tungkol sa kanyang pagmamahal kay Beth Tamayo na leading lady niya sa Japino.

Inspirado si Jin sa kanilang syuting lalo na kapag magkasama sila ng aktres sa eksena. "Ano ang nagustuhan niya sa aktres?" Sa pamamagitan ang kanyang interpreter ay nakuha ko lahat ng kanyang sinabi.

"Maganda at mabait si Beth. Tinuturuan niya rin ako ng Tagalog at gustung-gusto ko ang kanyang mga mata. Napaka-expressive. Kaya lang nalaman ko na may boyfriend na siya at may balak nang magpakasal kaya wala na akong pag-asa. Broken hearted ako sa kanya," aniya.

Enjoy na enjoy sa pagsusyuting si Jin at babalik lang siya ng Japan kapag tapos nang maipalabas ang Japino. Nais niyang magtagal sa bansa dahil ayon sa aktor mababait ang mga Pilipino.

Kapag tapos na sila ng syuting sa gabi ay inaaya niya si Ronald Gan na parang kapatid ang turing ni Jin na mag-sing-along dahil mahilig pala siyang kumanta. Nag-aaral siya ngayon ng karate at tinuturuan ni Ronald dahil balak din niyang maging action star balang araw.

Nalaman ko ang ilang bagay-bagay tungkol sa buhay ni Jin. Siya’y 19 years old at taga-Tokyo. Nakagawa na siya ng isang pelikula sa Japan na pinamagatang Tengoku Made Hakumairu under Total Planning Co. LTD. Siya ang panganay at nag-iisang lalaki kung saan may dalawa siyang kapatid na babae. Ang dream role niya ay makalabas ng pulis. Madali siyang nakapag-adjust sa bansa dahil mababait ang mga kasamahan niya sa bahay na tinutuluyan. Ideal girl niya ang Pinay dahil nagagandahan at nababaitan siya dito.

Sa pelikulang Japino ay gagampanan niya ang papel ni Marvin isang Hapones na half-brother ni Ronald. Ngayon pa lang ay marami nang nagkaka-crush kay Jin dahil bukod sa matangkad ay guwapo pa ito at nakakahawig ni Ian Veneracion.
Keempee, Madalas Sa Japan
Nakakwentuhan ko si Daria Ramirez na kasama rin sa pelikulang Japino at tinanong ko siya kung ano na ang kalagayan ng kanyang dalawang anak na sina Keempee at Cheenie. Ayon sa aktres ay nakatira si Keempee sa isang condo unit ng solo na bigay ng kanyang daddy. Maayos naman ang buhay nito at madalas na naiimbitahan for a show sa Japan bukod pa sa paglabas sa telebisyon at mga out-of-town shows. Si Cheenie ay may dalawang anak at hiwalay na sa kanyang asawa pero may negosyo ito at maganda rin ang buhay, ayon kay Daria.

Kumusta naman si Daria? "Wala na kaming komunikasyon ng daddy ng aking anak na babae at nasa Amerika na ito. My daughter is 12 1/2 years old at Grade VII sa Concordia College. Hindi naman ako nababakante sa paglabas sa pelikula. Kahit may kanya-kanya nang buhay sina Keempee at Cheenie ay patuloy pa rin ang aming komunikasyon. Okey naman ang buhay namin ng aking pangatlong anak at kami ngayon ang magkasama. Hindi naman ako binibigyan ng sakit ng ulo ng aking mga anak dahil patuloy pa rin ang pagsubaybay ko sa kanila," aniya.
Wendell, Pinagseselosan Ni Dingdong?
Nai-insecure kaya si Dingdong Dantes kay Wendell Ramos? Ito ang katanungan ng ilang tagahanga ni Antoinette Taus. May ilang nakakapuna na madalas dumalaw sa taping ng Munting Anghel si Dingdong para dalawin si Antoinette. Nangangamba din siya na baka ligawan ni Wendell ang kanyang mahal.

Sa kabilang banda ay nanghihinayang si Dingdong nang hindi nakasama sa pelikulang Abakada-Ina ng Viva Films. Kung saan makakasama sana niya sina Albert Martinez at Nida Blanca. Ang pumalit sa kanya ay si Bobby Andrews.

Show comments