Contenders sa Jukebox throne sina Von at Yamani

Dumarami ang bilang ng mga recording artist na nakikiuso sa trend ng jukebox songs. Hindi naman sila masisisi sapagkat mukhang magandang hanapbuhay ito kung ang pagbabatayan ay ang napaka-generous na gestures ng mga pangalang kasalukuyang namamayani dito –April Boy Regino, Renz Verano, April Boys, atbp.

Mga mamahalin at imported caps ang ipinamumudmod ng tatlong April Boys. Lately, namimigay na rin ng pera ang dueto.

Mga rosas naman ang gimik ng pinaka-bagong contender sa trono na Jukebox King na si Von Arroyo. Siya ang boses na naririnig natin na madalas pumailanlang ngayon sa ere na kumakanta ng "Mister Lonely" at hindi si Victor Wood na siyang unang nag-revive ng awitin na ito ni Bobby Vinton maraming taon na ang nakakaraan.

Hindi ang "Mister. Lonely" ang unang hit song ng napaka-batang cum laude graduate ng University of Perpetual Help na nagtapos ng kursong Communication Arts may dalawang taon na ang nakakaraan. Nag-aaral pa rin siya hanggang ngayon. Kumukuha siya ng Master’s Degree sa Advertising sa UST.

When asked kung bakit hindi niya ginagamit ang kanyang natapos na kurso by getting employed, sinabi niya na saka na. Bata pa raw siya. He would pursue singing muna na sa murang gulang ay talagang pinangarap na niya. "Kapag hindi ako nagtagumpay, saka ko ito gagamitin," sabi niya.

Wala naman marahil pagkabigo siyang malalasap at the rate his singing is going. Already, the airlane is abuzz with "Mister. Lonely", ang carrier single ng kanyang second album na naglalaman ng 10 awitin, apat dito ay revivals ("Mister Lonely", ang Tagalog version ng "If You’re Not Here By My Side" ng Menudo, ang "Knife" ni Rockwell at "Happy’ ni Michael Jackson) at 6 ang originals na kinabibilangan ng komposisyon ni Vehnee Saturno.

Mula sa pagiging isang singer ng banda, nakapag-adjust na si Von sa mga pops songs na inaawit niya mula sa puso. "I had a hard time adjusting dahil kailangan pagkanta ko ngayon may emosyon na, mula sa puso, para magustuhan ng masa. At para mapaiba, I give away roses sa lahat ng performances ko," ani Von.

Malayo na nga ang image ni Von sa bata na nakuha bilang miyembro ng 14 K. "Si Rada ng Kulay ang kasabay ko. Jolina Magdangal came a year after," impormasyon niya. But the talent has not diminished. Katunayan, mas nag-improved pa ito. Ito at ang bagong looks na ipinakikita niya will definitely bring Von success.
*****
Marami nang sentimental songstresses ang lumabas na katulad ni Imelda Papin pero, ang nakakalungkot ang mga awitin nila ang natatandaan ng mga tagapakinig, hindi sila. It’s a case of knowing the song not the singer.

Isang recording artist ang magtatangkang makilala dahilan sa kanyang talino sa pamamagitan ng pag-awit ng mga sumikat nang awitin. Siya si Yamani, nagbibigay buhay sa isang sikat na awitin ni Marco Sison na pinamagatang "My Love Will See You Through" . Galing ito sa kanyang album na "Yamani, Bakit Ba?" na handog ng Prime Music Corporation.

Pawang mga sentimental at nagpapakirot sa puso ang mga awitin sa album ni Yamani. Ang carrier single nito na isa ring revival, ang "Hindi Ako Isang Laruan" ay napakabilis ng akyat sa musical chart.

Ilan pa rin sa mga kasama sa album ay mga revival ng "Wishing It Was You", "It Hurts To Say Goodbye" at "If You Love Me". Kasama rin ang mga original compositions ni Nonoy Tan tulad ng : "Palayain Mo Ako", "O Kay Rupok", "Higit Sa Buhay Ko", "Sigurado Ka Ba Sa Kanya" at "Bakit Pa".

Tatangkain ni Yamani na makilala rin siya sa pamamagitan ng paglabas sa ilang series of shows sa mga malls, pagbisita sa mga radio stations at paglabas sa mga musical shows. Sa Linggo, Okt. 29 makikita siya sa SM Centerpoint kasama ang ilan pang magagaling na performers gaya nina Renz Verano, Rockstar 2, Von Arroyo, Cody Moreno, April Boys, Jerome Abalos at marami pa.

Show comments