Suntok sa BUWAN - Ang limang pinakamaganda sa showbiz!

Ilan na ring magagaling na make-up artist ang nakausap ko at naitanong kung sino ang pinakamagagandang artista natin sa kasalukuyan kahit walang make-up. Nakausap ko si Bong Gamis na isa sa mahusay na make-up artist ng Face Value Salon na dinarayo ng mga artista ngayon, ang mga sumusunod ang kanyang napili:

1. Donita Rose
– Napakaganda ng kanyang mukha kahit bagong paligo. Kapag nilagyan siya ng make-up ay lalong tumitingkad ang kanyang kagandahan at nagiging sophisticated ang kanyang beauty.

2. Glydel Mercado
– Kahit walang make-up ay inosente ang kanyang beauty at hindi mahirap lagyan ng make-up dahil bagay sa kanya kahit anong kulay.

3. Beth Tamayo
– Kahit walang make-up ay talagang maganda siya at maamo ang mukha. Lutang na lutang ang kagandahan kahit simpleng-simple lang ang make-up.

4. Sunshine Dizon
– Mas maganda siya kapag walang make-up at neneng-nene. Nage-emote ang kanyang beauty lalo na ang kanyang mga mata.

5. Rufa Mae Quinto
– Kapag naayusan na ay lumalabas ang ganda at kaseksihan. Malakas ang kanyang sex appeal.

Idinagdag rin niya sa kanyang listahan sina Priscilla Almeda, Jessa Zaragoza at Janna Victoria na pawang magaganda rin at classic beauty naman silang maituturing ayon pa kay Bong. Ito rin ang choices ng ibang mga make-up artist ng Face Value Salon gaya nina Arnelli at Greta na pag-aari ni Bebot Santos na katulong sa pamamahala ang magandang si Baby.
Nini, Sanay Nang Magprosti
Magaling na prosti si Nini Jacinto sa pelikulang Arayyy mula sa Seiko Films. Ito ang ikalawang pagkakataon na gumanap siyang prosti. Una sa Burlesk King na tinampukan nina Rodel Velayo at Leonardo Litton na kapwa kasama niya uli sa Arayyy.

Anong paghahanda ang ginawa ni Nini para maging realistic ang role niya? "Nago-observe ako sa ginagawa ng mga prosti sa beerhouse o club. Nanonood din ako ng mga pelikula tungkol sa ganitong character.

Napapanahon ang pelikulang ito dahil iikot ang kasaysayan sa mga tunay na nangyayari sa university belt kung saan ang mga lalaki at babae ay natututong mag-prosti sa gabi para lang makapag-aral. Ang pelikula ay ibinase sa popular song ni Mae Rivera.
Memorable Birthday!
Natutuwa akong maging miyembro ng Soroptimist International ng Dasmariñas-Salcedo Club na binubuo ng mga kababaihang propesyonal na ang layunin ay tumulong sa mga service projects para maiangat ang kalagayan ng mga kababaihan sa pamamagitan ng six areas of concern gaya ng economic and social development, education, health, environment, human rights, international goodwill and understanding. Bilang president-elect (2001) ay naibabahagi ko ang magagandang biyayang natatamo ko sa aking buhay. Sa kabila ng pagiging abala sa aking trabaho ay pinipilit kong magkaroon ng panahon para tumulong sa aking kapwa lalo na sa adopted barangay namin sa isang depressed area sa Las Piñas.

Naging memorable ang aking kaarawan sa araw na ito dahil nagkaroon kami ng feeding program sa Daniel Fajardo School sa mga malnourished 60 children sa Grade I. Ibang klase ang pakiramdam kapag may nagagawa kang kabutihan sa kapwa nang hindi naghihintay ng kapalit. Kailangan din ang pagkakaroon ng mental hygiene sa paggawa ng kapaki-pakinabang na bagay sa piling ng mga mabubuti at matatalinong kasamahan sa Soroptimist.
Guminhawa Ang Buhay Dahil Sa Mayamang D.O.M.
Ang seksing aktres ay dating tindera sa palengke at tumutulong sa pang-araw-araw na gastusin ng pamilya. Hindi nga nagtagal ay natupad ang kanyang pangarap na maging artista at kung kani-kanino na-link na pawang mayayamang businessman.

Sa kagustuhang makatulong sa kanyang pamilya ay pumayag itong magkaroon ng mayamang DOM lover na nagbibigay sa kanya ng luho at ginhawa sa buhay. Praktikal lang naman siya at ang mahalaga ay napag-aaral niya ang mga kapatid at nakakatulong pa siya sa pamilya. Kung aasa lang siya sa kita ng pelikula ay hindi ito magkakasya para tulungan ang mga mahal sa buhay.

Ang seksing aktres ay nagkaroon ng launching movie noon at in-demand din sa paggawa ng pelikula under independent companies.

Show comments