That's Entertainment - Erap suportado ng KAPPT

Nais kong ipaabot ang lubos na pasasalamat ko at ng miyembro ng Katipunan Ng Mga Artista ng Pelikula't Telebisyon (KAPPT) sa United International Pictures at Viva Films. Patuloy ang pagsuporta nila sa Katipunan sa pamamagitan ng pagkakaloob ng kita ng premiere night ng kanilang pelikula. Noong nakaraang Biyernes ng gabi ay nagpa-premiere kami sa Megamall ng Chicken Run.

Bukod sa UPI at Viva, nais ko ring ipaabot ang pasasalamat sa Photokina makers of Photo Plus at Red Bull sa suportang ipinakikita nila sa KAPPT.

Siyanga pala, bukod sa miyembro ng KAPPT dumalo rin sa premiere night ang ilang taga-GMA Artists Center particular na 'yung mga miyembro ng Click at ilang miyembro rin ng Star Circle.

Sa uulitin, I Love You mula sa pangulo ng KAPPT, ang inyong Kuya Germs.
* * *
Salamat naman at kumita ang pelikula nina Robin at Regine na Kailangan Ko'y Ikaw. Kahit papaano masasabi nating buhay pa rin ang pelikulang Pilipino. Sana nga, tuloy-tuloy na ang pagkita ng mga pelikula natin.

Aabangan natin sa susunod na linggo ang pelikula ni Jinggoy Estrada at Vina Morales na Sagot Kita... Mula Ulo Hanggang Paa. Sana nga, tangkilikin din ito ng manonood dahil ayon nga kay Jinggoy, kakaiba ang character niya rito. Kaya nga lahat ng nakakapanood ng trailer ay naaaliw sa kanya.

Si Vina naman ay alam nating magaling na artista kaya suportahan natin sila.
* * *
Sana nga'y tigilan na lang ang intriga kina Charlene at Aga. Alam kong maligaya sila at kapwa excited sa kanilang pagpapakasal sa isang taon.

Nasa Amerika si Aga sa kasalukuyan, kasama ang Side A band para sa series of shows doon.

Pagbalik ng aktor, malamang na maging abala sila ni Charlene sa bagong programa nila (kung matutuloy) na kapalit ng Oki Doki Doc.


* * *
Bilang pangulo ng KAPPT, ipinaaabot ko ang suporta namin kay President Estrada at sa kanyang pamilya sa patuloy na iskandalo sa jueteng issue. Nakikita naming may bahid ng pulitika ang nangyayari kaya sana naman ay tulungan natin siya.

Matatapos na sana ang problema sa Mindanao, pero panibagong intriga na naman ang kinakaharap niya. Sana naman isipin na lang natin kung paano makakatulong sa pangulo para mapaunlad ang ating bayan imbes na isipin natin kung paano siya 'sisirain.'
* * *
Ano ba talaga ang dapat nasusunod, ang mga fans o ang producer, artista at kanilang mga manager? Ilang loveteam na nga ba ang nabuwag dahil sa kagustuhan ng kanilang producer o manager? Tulad na lang nang nangyari kina Judy Ann at Wowie. Nang mag-kanya-kanya sila, parang kapwa nanamlay ang career nila dahil nabigo ang kanilang mga fans sa expectation sa kanila.

Kaya ngayong nagbabalik tambalan sila, parang unti-unti na namang sumisigla ang kanilang career sa kabila ng intriga sa kanila at sa kanilang manager. Bakit ba kailangang paghiwa-hiwalayin sila kung sila ang gusto ng fans? Ayaw ba nila ng hinabol-habol sila ng maraming tao kahit saan sila magpunta? Dapat magkaisa tayong lahat. Iwasan na muna natin ang pagtataasan ng kilay kung gusto nating umunlad at makabangon ang industriya ng pelikula sa bansa.

Show comments