Suntok sa BUWAN - Gov. Bong, boto kay Paolo para sa sis na si Andrea

Inili-link ngayon si Andrea Bautista sa TV host na si Paolo Bediones. Balitang nag-date ang dalawa sa Glorieta IV nang manood sila ng Space Cowboy.
Ano ang reaksyon dito ni Gov. Bong? Ayon sa aming source natuwa ang aktor nang malamang nag-date ang dalawa. Tila boto ito sa TV host para sa nakababatang kapatid. Nanggaling din sa iginagalang na angkan si Paolo at bukod sa matalino at edukado ay mabait din ito kaya kahit sinong babae ay maswerte kung siya ang mapipiling nobyo.

ANGELA, DI MARUNONG MAGTARAY
Kahit anong patutsada ang gawin ni Pamela Ortiz kay Angela Velez bilang official endorser ng isang brand ng condom ay hindi nagtataray ang seksing aktres. Katwiran niya ay siya lang talaga ang choice para muling i-renew ang kontrata at hindi si Pamela. Kahit sinasabi ni Pamela na matanda na si Angela at 27 years old na ay pinalalampas pa rin ito ng una. Katwiran niya ay wala siyang panahon para pumatol sa baguhang starlet dahil lalo pang gumaganda ang kanyang career ngayon. Going strong pa rin ang relasyon nila ni John Apacible. Bukod sa mainstay siya ng MTB ay marami rin siyang TV appearance sa Dos.
MARVIN, LABANDERO NA
Masinop sa buhay si Marvin Agustin. Katunayan ay may dalawa na siyang puwesto ng Mr. Donut. At ngayon ay may panibago na naman siyang bubuksan na laundry business na tinawag niyang Mr. Wash. May mga branches na ito sa Pilipinas kaya lang hindi pa gaanong kilala. Si Marvin ang magsisilbing image endorser nito at ang TF niya ang franchise niya sa Mr. Wash. Naniniwala ang aktor na magiging maganda ang kanyang bagong negosyo dahil wala siyang kalaban doon sa lugar na pagtatayuan base sa kanilang survey. Nalaman niya na maganda ang negosyong ito na unang itinayo nina Carmina Villaroel at Almira Muhlach.

Wala nga siyang panahon ngayon sa pag-ibig dahil nakatuon ang kanyang pansin sa career at negosyo.

Bukod dito ay abala rin siya sa sports kung saan nakakahiligan niya ngayon ang water surfing. Pangarap din ni Marvin na sumali sa Celebrity Surfing Competition balang araw.
DIET, NAIS MAKAPAGTAPOS NG COLLEGE
Maganda ang takbo ng career ni Diether Ocampo pero may isa pa siyang pangarap na nais matupad. Gusto niyang makatapos ng kurso para kung dumating ang araw na hindi na siya gaanong aktibo sa showbiz ay may fallback ito. Nasa second year college ang aktor ng Physical Theraphy sa De la Salle University sa Cavite nang agawin ng showbiz. Next year ay gusto niyang magbalik sa kolehiyo. Ang nais naman ng kanyang lola ay Medicine ang kunin niyang kurso.

Twenty four years old lang si Diet at hinuhubog para maging magaling na aktor gaya nina Christopher de Leon, Richard Gomez at iba pang magaling na dramatic actor.
AKTOR, DI NA NAGPO-PROMOTE, DI PA RIN NAGDA-DUB NG MOVIE
Marami ang nagtaka kung bakit sa kabila ng kawalan ng interes ng magaling na aktor na ito na mag-promote ng kanyang pelikula ay kinukuha pa rin siya ng mga producer. Napaka-tamad niya maging sa pagda-dub ng kanyang movie. May ibang trabaho ang aktor at baka ito ang prayoridad niya pero may obligasyon pa rin siya once na tumanggap siya ng movie. Kasama na rito ang promotion. Hindi maaaring hindi niya ito alam pero, ba’t hindi niya ginagawa?

Show comments