The Young CRITIC - Paano mag-judge ng pelikula ?

Kung minsan nagtatalo kaming mag-ama sa bahay at ang punto ng argument namin ay hindi kung maganda o pangit ang isang pelikulang sabay naming napanood. Madalas namang pareho ang judgement namin sa pelikula kaya lang ang sabi niya sa akin mas marami raw mali akong nakikita gaya ng continuity. Sa pelikula raw dapat kong dagdagan ang aking sense of believability para mas ma-appreciate ko ang isang movie at huwag ko nang pansinin ang mga inaakala kong mali.

Sa pagre-review raw ng pelikula kailangan matiyak mo ang intensyon ng direktor. Siyempre ang intensyon ng producer ay kumita ang pelikula. Pero hindi mo rin talaga sigurado ang intensyon ng direktor. Tanungin mo man sila, madalas sasabihin nilang gumagawa lamang sila ng magandang pelikula, yung matino, yung may sinasabi tungkol sa human condition, yung naaayon sa standard ng artistic na pag-arte at iba pang bagay na pang-teknolohiya. May mga direktor namang kahit limitado ang kaalaman sa arte at sining ay may tinatawag namang common touch at alam nila ang kiliti at kursunada ng manonood at sinuswerte ring laging box-office ang kanilang mga pelikula. Kaya kahit minamata-mata sila ng kapwa direktor sa talikuran, pinupuri na rin kapag takilya na ang pinag-uusapan.

Sa palagay ko ang mga sinasabing top rank directors na tulad nina Lino Brocka, Ishmael Bernal, Gerry de Leon ay nakilala muna bilang mga box-office directors at saka na lang napansin ang galing nila bilang importanteng mga direktor.

At gaya ng maraming bagay dito sa mundo, ang pagsusuri ng pelikula ay hinahasa ng panahon at experience, walang code of ethics o fundamental rules of engagement kumbaga tungkol sa movie reviews. Kahit sabihin mong objective ka sa iyong pananaw at pagpuna sa mga bagay-bagay, sa bandang huli subjective ka pa rin.
Pelikula ni Stallone, 2 beses nang ginawa!
Ang bagong pelikulang pinagbibidahan ni Sylvester Stallone ay dalawang ulit na palang ginawa. Ang unang original production ay bida si Michael Caine, at isang British film tungkol sa isang mobster na umuwi sa kanilang lugar upang makipaglibing sa kanyang nakababatang kapatid. At upang ipaghiganti ang kamatayan nito mula sa kamay ng mga local gangsters. Ang Frank Carter na pangunahing karakter sa pelikula ay role ni Michael Caine sa original movie at si Stallone nga sa ikatlong version. Ang pangalawang bersyon ay puro black actors ang artista. Pero sa bersyong palabas ngayon may maliit na role si Michael Caine.

Pareho pa rin ang istorya tungkol sa paghihiganti ng isang professional killer sa mga pumatay sa kanyang kapatid. Sangkot din ang napatay na kapatid sa krimen. Nadawit pa ang anak na babae nito sa isang porno trade na pinamumunuan naman ng isang mayamang businessman na may-ari ng isang porno web- site na nagbebenta ng mga porno tapes and discs.

Lubhang violent ang pelikula at ang simpleng istorya ay hinaluan ng maraming visual effects–flash forwards, flash backs na mukhang MTV ang pelikula. Mataba na at halata na rin na tumatanda na si Sylvester Stallone, ang dating Rocky at Rambo ng ating kabataan.
'What Lies Beneath', kontabida si Ford !
Isang palaisipan din ang pelikulang What Lies Beneath, pero madali mo namang maunawaan kapag pag-iisipan mong mabuti. Isa itong ghost story, tungkol sa isang dalagang pinatay at nagbabalik upang magparamdam kay Michelle Pfeiffer upang mabigyan ng katarungan ang kanyang kamatayan.

Perfect marriage ang pagsasama nina Harrison Ford at Michelle Pfeiffer. Matagal na silang mag-asawa. Scientist ang lalake, musician naman ang babae na nagpasyang huminto sa pagtugtog para maging housewife na lamang. May anak sila na college student at naka-dormitoryo malayo sa kanilang bahay. Pero walang problema doon dahil successful naman si Harrison at kahit na hindi na pinapraktis ni Michelle ang kanyang propesyon bilang isang cellist, masaya naman ang kanilang pagsasama.

Maganda ang kanilang tahanan na malapit sa isang lakeshore community sa isang small town sa Vermont. Pero unti-unting may mga bagay na gumagambala sa peace of mind ng babae. Parang may mga nagmumulto sa kanilang bahay. Dati tinatawanan lang niya ang mga kakaibang pangyayari hanggang dumating na sa punto na may nakikita siyang anyo ng isang babae. At sa kanyang pagiging makulit upang patunayan ang kanyang mga nakikita, madidiskubre niya ang isang lihim, isang kasalanan na walang kapatawaran na siyang magwawasak ng kanyang buhay, isang lihim na halos ikamatay ni Michelle. Napaka-suspenseful ng pelikula pero dahan-dahan lang ang paglalantad ng katotohanan na hindi mo inaasahan. Kaya very effective. Sentrong-sentro ang lahat sa mag-asawang Harrison at Michelle. At makapigil hininga talaga ang ending.
*****
Email:jen08@edsamail.com.ph

Show comments