Sanga-Sangandila - Serena, di pa naka-recover

Matutuwa na ang maraming viewers ng Kaya ni Mister, Kaya ni Misis sapagkat hindi naman pala tuluyang inabandona ni Cesar Montano ang "misis" niya sa show na si Maricel Soriano.

Babalik na si Cesar sa show very soon. Nawala lamang siya dahilan sa kanyang wedding with Sunshine Cruz. And contrary to reports, hindi mawawala ang show. "Nakapag-renew na po kami sa ABS-CBN," ani Maricel sa presscon ng kanyang pelikulang Abandonada para sa Viva.

Matagal na nang huling mapanood sa isang Viva movie si Maria. Pero sa bakurang ito siya ay nakakuha ng award bilang Best Supporting Actress as a young actress, sa pelikulang Saan Darating Ang Umaga. May posibilidad na manalo siyang muli para sa Abandonada na kung saan ay kapareha niyang muli si Edu Manzano.

Nagkasama na sila sa mga pelikulang Ama, Ina Anak, Separada, Minsan Lang Kita Mamahalin at isa pa na hindi ko na matandaan.

Tungkol sa isang overseas worker na bumalik ng bansa mula sa Canada. Hindi niya dinatnan ang kanyang mag-ama sa kanilang bahay. May ibang bahay na ito na kung saan ay kasama niya ang bago niyang asawa at isang anak. Nagsimula na ang pakikibaka ng OCW para mabawi ang kanyang anak.

Bukod sa kanila ni Edu. Kasama pa rin sa pelikulang ito na nasa direksyon ni Joel Lamangan si Angelu de Leon bilang second wife ni Edu.

"Feel ko ang role ko rito dahil alam n’yo namang love ko ang mga anak ko, pero hindi mangyayari ito sa buhay ko," may diing sabi ni Maricel.
*****
Nakakalungkot na bukod sa kanyang regular show na Marinella sa TV, wala pang bagong pelikula ang magaling na si Serena Dalrymple. Ayon sa mga nakakakita sa kanya sa taping ng TV drama niya, hindi pa siya gaanong nakaka-recover sa pagkamatay ng kanyang ina. Kapag hindi siya kinukunan ay nasa isang tabi lamang siya at tahimik na nagmamasid.

Nakapanghihinayang kung hindi siya agad makakabalik ng full time sa acting. Matalino siya at isang kawalan siya sa pelikula.


*****
Mahirap na ang traffic, mas pinahihirap pa ng mga salbaheng taxi driver na sa kabila ng pagtataas nila ng pasahe, marami pa rin ang patuloy sa kanilang masamang gawain ng pangongontrata o di kaya ay tahasang pagtanggi na maghatid ng pasahero. Di lamang mga maliliit na taxi operator ang gumagawa nito kundi maging yung mga taksi ng mga malalaking kumpanya. Gaya ng EMP na kasasakay pa lamang namin ni Salve Asis mula Anda Circle hanggang SM Manila pinresyuhan na kami ng P50. May choice ba kami? Hindi pa kami nakakababa ng SM ay may nagpapahatid na sa kanya na ilang estudyante na malapit lamang pero tinanggihan ng driver ng EMP #648.

Hanggang ngayon marami pa ring taksi ang may karga. Yung metro ng mga taksi na sinasakyan ko ay bibihirang magkapareho. Madalas magkakaiba. Depende sa taksi. Kapag may pangalan pareho ang metro, may iba man, iilan lamang.

Wala ba talagang proteksyon ang mga commuters sa mga salbaheng taxi drivers?
*****
Araw araw na ang ulan. Araw araw din na pahirapan ang pagbi-biyahe. Napakama-traffic. Dati, sinisisi ang baha pero, ngayon, kahit walang baha, ma-traffic. Mas maraming oras na ang nauubos sa biyahe kaysa sa trabaho. Madalas ang nagiging dahilan ay ayaw magbigayan ng mga driver. At marami sa kanila ang walang konsiderasyon, konsensya. At sa mga lugar na walang traffic lights dun madalas masikip. Walang pulis o traffic aide. Bakit nga ba nawawala sila kapag umuulan?

Show comments