Pinakamatandang choir sa mundo, opisyal na kinilala ng Guinness World Records
OPISYAL na kinilala ng Guinness World Records ang Prime Timers, isang British choir na binubuo ng 17 members na may average na edad na 94, bilang pinakamatandang choir sa buong mundo.
Ang Prime Timers ay may mga miyembrong nasa edad na 87 hanggang 99, at nagkaroon sila ng Christmas concert noong December 19, 2024 sa Grand Ballroom ng Crowne Plaza Hotel sa U.K.
Sa harap ng isang opisyal mula sa Guinness World Records, pinarangalan sila ng kanilang world record matapos ang kanilang concert.
Ang mga miyembro ng choir ay pawang residente ng pitong care homes na pinamamahalaan ng Runwood Homes na nakabase sa Stratford-Upon-Avon.
Bukod sa kanilang mga edad, napukaw nila ang damdamin ng mga manonood sa kanilang dedikasyon at talento.
Nag-perform din ang kilalang mang-aawit na si Tony Christie, na sumali sa Prime Timers para sa mga awiting “Amarillo” at “Silent Night,” na nagdagdag ng saya at inspirasyon sa gabi ng konsiyerto.
Isang mahalagang paalala ang tagumpay ng Prime Timers na ang musika ay walang pinipiling edad, at ang talento ay maaaring umunlad anuman ang yugto ng buhay.
- Latest