Maliwanag ang mensahe ni Pres. Donald Trump
KUNG uunawain ng lahat ang laman ng inaugural speech ni 47th US Pres. Donald Trump, malamang na manayo ang balahibo ng makakarinig.
Naging testimonya ni Trump ang pangalawang buhay na ibinigay sa kanya ng Diyos matapos ang tangkang pagpatay sa kanya. Ibinalik din niya ang alaala ng magagaling at magagandang kontribusyon ng mga nagdaang lider ng U.S. na walang pamumulitika.
Ang yaman ng U.S. ay ipadadama raw niya sa kanyang mga kababayan bago maghatid ng kaluwagan sa ibang bansa. Heopolitikal na pagbuhay sa angking yaman ng U.S. upang gamitin sa pansariling kapakanan ng kanyang mga kababayan ang mariing ipinangako ni Trump.
Maghihigpit na ang U.S. sa pagpasok ng mga dayuhan na ang intensiyon ay magpaalaga lamang at magpalaganap ng kriminalidad na bumibiktima sa ekonomiya at moralidad ng kanilang mamamayan.
Hihigpitan niya ang panlabas na pamumuhunan ng U.S. upang magtayong muli ng maraming factories sa loob ng kanilang bansa para lunasan ang bilang ng unemployed at homeless na Amerikano.
Maging gabay nawa kay Pres. Bongbong Marcos sa sarili niyang pamamahala ang naging talumpati ni Trump. Pagyamanin muna ni BBM ang ekonomiya ng ating bansa at pag-ukulan ng insentibo at ibayong pakikiisa ang mga local investors. Huwag iasa sa malalaking bansa ang kinabukasan ng bansa.
Repormahin na ang mga programa sa pagtulong sa mga mahihirap na Pilipino sa pagtatayo ng pangkabuhayang gawain imbes na pagsusubo lamang ng makakain. Ninanakaw lang naman ng mga namumuno ang malaking bahagi nito. Totoo po ‘yan!
Sagana sa likas na yaman ang bansa natin na kinaiinggitan ng ibang bansa. Hindi natin napagyayaman ang lahat ng ito dahil wala tayong Kongreso at Senado na may adhikaing mapaasenso ang ating bansa.
Tanghalin nating bayani ang mga mambabatas na magpapakulong sa mga opisyales ng gobyerno na mapapatunayang magnanakaw. Meron kaya?
- Latest