^

Punto Mo

EDITORYAL - Ilang Pinay pa ang mamamatay sa Kuwait?

Pang-masa
EDITORYAL - Ilang Pinay pa ang mamamatay sa Kuwait?

HINDI tumupad ang Kuwait sa kasunduan na bibig­yan ng proteksiyon ang mga Pilipinong mangga­gawa roon. May Pinay na naman na pinatay sa kanilang bansa at sangkot ang among Kuwaiti. Sa nilagdaang kasunduan ng Pilipinas at Kuwait noong Hunyo 2024, nakasaad na pagkakalooban ng proteksiyon ang OFWs sa nasabing bansa. Ang pangako ng Kuwait ang naging daan para maibalik ang pagpapadala ng mga Pinay domestic helpers sa nasabing bansa na itinigil noong Pebrero 2023, kasunod ng panggagahasa, pagpatay at pagsunog kay Juleebee Ranara noong Enero 2023.

Natagpuan ang sunog na bangkay ni Ranara sa isang disyerto. Ang 17-anyos na amo nito ang gumahasa at pu­matay kay Ranara. Inaresto at ikinulong ang Kuwaiting amo pero mababa lamang ang inihatol na sentensiya. Hindi rin binayaran ng danyos ang pamilya ni Ranara. Sabi ng pamilya, masakit ang nangyari sa kanilang anak subalit ang killer ay magaan lamang ang parusa.

Makaraan ang limang buwan na deployment ban, inalis iyon ng Pilipinas sapagkat nangako at nakipag­kasundo ang Kuwait na tutugunan ang mga kapakanan ng mga manggagawang Pilipino. Ayon sa Kuwait Interior Ministry, bumuo na raw ng isang joint committee kaugnay sa domestic labor affairs.

Subalit anim na buwan makaraan ang pangako, isang Pinay household workers na naman ang pinata­y. Ang Pinay­ ay nakilalang si Dafnie Mates Nacalaban, 35. Natagpuan ang naaagnas na bangkay ni Dafnie sa ba­ku­ran ng isang bahay. Ang pagpatay sa Pinay ay unang napabalita nang isang kaanak nito ang humingi ng tulong kay Sen. Raffy Tulfo. Nagsagawa ng pag-iimbestiga si Tulfo.

Ayon naman kay Department of Migrant Workers­ (DMW) Secretary Hans Leo Cacdac, dalawang buwan nang nawawala si Dafnie nang matagpuan ang kanyang bangkay. Ang itinuturong pumatay kay Dafnie ay si Jarrah­ Jassem Abdulghani. Hawak na umano ng Kuwait police ang suspect. Ang nakababatang kapatid ng suspect ang nag-report sa mga pulis sa nangyaring krimen. Si Dafnie ay nagsimulang manilbihang household worker noong December 2019.

Patuloy ang pagmamaltrato, pang-aabuso at ang masaklap ang karumal-dumal na pagpatay sa mga Pinay household workers. Hindi natutupad ang pinagkasunduan. Ngayon ay nadagdag na ang pangalan ni Dafnie sa mga pinatay na Pinay workers na kinabibilangan nina Juleebee Ranara, Joanna Demafelis, Constancia Dayag at Jeanelyn Villavende. Sino pa ang susunod sa kanila?

Mas maganda kung ititigil na nang tuluyan ang pag­papadala ng Pinay workers sa Kuwait. Delikado sa bansang ito. Marami pa namang bansa na maaring pagtrabahuhan ng mga Pinay.

OFW

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with