13 preso, pinalaya ng lasing na pulis sa Zambia para magdiwang ng Bagong Taon!
ISANG pulis sa Zambia ang inaresto matapos nitong palayain ang 13 preso mula sa kulungan dahil sa matinding kalasingan.
Ang insidente ay naganap sa Leonard Cheelo Police Post sa Kanyama, Lusaka, noong umaga ng Disyembre 31.
Kinilala ang pulis na si Detective Inspector Titus Phiri, na kinuha umano ang mga susi ng selda mula sa kanyang kasamahan habang nasa impluwensya ng alak.
Ayon sa mga ulat, binuksan ni Phiri ang mga selda ng kalalakihan at kababaihan, at sinabi sa mga preso na sila’y maaari nang lumaya para salubungin ang bagong taon.
Ang mga preso, na nahaharap sa mga kaso ng pananakit, pagnanakaw, at iba pang krimen, ay hindi na bumalik matapos ang insidente.
Dahil dito, nagsagawa na nang malawakang manhunt ang Zambia Police Service upang maibalik ang mga nakatakas.
Ayon sa pulisya, si Phiri mismo ay tumakas matapos ang insidente. Sinabi rin ng tagapagsalita ng pulisya na seryoso silang tumutugon sa insidente at tiniyak sa publiko na pananagutin ang sinumang opisyal na lumabag sa kanilang tungkulin o umabuso sa kapangyarihan.
- Latest