EDITORYAL - Si Bato sa BuCor
INIHAYAG na ni President Duterte na si PNP chief Dir. Gen. Ronald dela Rosa ang susunod na Bureau of Corrections (BuCor) chief kapag natapos na ang termino nito. Talamak pa rin kasi ang drug trade sa New Bilibid Prisons (NBP) kaya naisip niyang si Bato ang ilagay sa BuCor. Bumabaha pa rin ang shabu sa NBP sa kabila na nagbanta na ang Presidente na mananagot ang mga sangkot sa illegal drugs doon.
Isa ang NBP sa mga pinanggagalingan ng droga. Maski ang shabu na nakumpiska kamakailan sa Correctional Institution for Women ay galing sa NBP. Karamihan umano ng shabu sa Metro Manila ay natuklasang nagmula sa pambansang bilangguan.
Hindi na ipinagtataka kung paano naipapasok ang bultu-bultong shabu sa NBP. Dahil sa matinding corruption. Pera-pera lang at walang anumang maipapasok ang shabu. Kayang tapalan ng pera ang mga guwardiya. Ang mga drug lord na nakakulong ay walang kahirap-hirap sa kanilang negosyo gamit ang cell phone at iba pang gadget. Nakikipag-transact sila sa kanilang customer at malaking pera na ang kasunod. Maski ang drug queen na si Yu Yuk Lai na kasaluku-yang nakakulong sa Correctional ay milyones ang kinikita buwan-buwan sa drug trade.
Walang makapagpatino sa mga corrupt na opisyal, empleado at guard sa NBP. Ilang beses nang nagpalit ng pinuno sa Bureau of Corrections (BuCor) pero walang pagbabago. Maski nga SAF ang inilagay na guard sa NBP ay nabigo rin na masawata ang corruption. Pati SAF ay naging corrupt.
At naisip nga ni Duterte na para malutas ang drug trade sa NBP, itatalaga niya roon si Bato dela Rosa bilang Bucor chief. Ini-extend niya ang term ni Bato ng tatlong buwan sa halip na hanggang Enero 21, 2018, petsa ng retirement nito.
Sabi naman ni Bato sa pagkaka-appoint sa kanya, tinatanggap niya ang tungkulin. Haharapin niya ang hamon. Hindi siya aatras bilang Bucor chief.
Kung si Bato ang kailangan laban sa salot na bato, bakit hindi. Lahat nang paraan ay subukan para malipol na ang source ng shabu.
- Latest
- Trending