Manong Wen (126)

P ERO paano niya mabubuksan ang pinto?

Naalala ni Princess ang susi na kinuha niya sa pinto na pinagdaanan kanina. Dinukot sa kanyang jacket. Susubukan niya at baka magkasukat.

Isinuot niya ang susi pero sa bukana pa lamang ay ayaw na itong pumasok.

Nag-isip siya nang pa­raan. Kailangang mabuksan niya ang pinto bago dumating ang nagbabantay sa pinto. Tiyak na umalis lamang sandali ang nagbabantay at babalik din.

Naisipan niyang tawagan si Jo. Bago siya tulu­yang ma-low bat, kaila­ngang masabi niya kay Jo na natagpuan na niya ang kinaroroonan ng mga dalagitang kinidnap. Hihingi siya ng opinyon kung paano mabubuksan ang pinto.

Nakontak niya si Jo. Agad niyang sinabi ang lahat.

“Humanap ka ng maliit na alambre at kalikutin mo ang susian. Pagkatapos mong kalikutin, bigla mong pihitin. Kailangan, bigla ang pagpihit para matanggal ang mekanismo sa loob. Okey Princess?’’

“Okey sige. Siyanga pala Jo, kontakin mo ang pulis na tumulong sa atin sa probinsiya. Ipagtapat mo ang lahat sa kanya. Sabihin mo nakita na natin ang casa ni Chester. ’’

“Yung pulis na nagsabing may reward tayo sa pagkakahuli sa dalawang kidnapers ni Precious?”

“Oo. Sige Jo, talagang low bat na ako. Bahala ka na.’’

“Bye Princess, I love you. Humanap ka na ng alambre.”

Pagkatapos mag-usap, agad naghanap ng alambre sa paligid si Princess. Nakita niya ang isang silya sa di kalayuan. Ininspeksiyon niya. Nakita niya na may taling alambre ang paa ng silya. Nang alisin niya ang alambre nagkalas-kalas ang silya. Nahiwalay ang mga dos por dos na paa nito. Kinuha niya ang alambre. Tamang-tama ang laki ng alambre.

Ipinasok niya at buong diin na kinalikot ang susian. Kailangang mabuksan niya iyon. Kailangang bago dumating ang bantay ay mabuksan niya ang pinto.

Hanggang sa maka­rinig siya ng mga yabag na papalapit. Lalo pa niyang diniin ang pagkalikot sa susian.

(Itutuloy)

Show comments