NAKAKAINIS si Energy secretary Jericho Petilla dahil pinangunahan nito ang mga kompanya ng langis hinggil sa maaring pagtataas sa presyo ng produktong petrolyo sanhi ng paglilipat sa Pandacan oil depot.
Parang binigyang katwiran ni Petilla ang oil companies na maaring magtaas sa presyo ng kanilang produkto dahil sa umano’y delivery cost sa pag-aalis ng oil depot sa Pandacan.
Dapat ang consumers ang unang binibigyan ng proteksiyon ni Petilla sa halip na ang oil companies.
Hindi dapat ipatong ng oil companies ang delivery cost sa presyo ng gasolina dahil kasama ito sa negosyo. Bawasan ng mga kompanya ng langis ang kanilang kinikita at pasanin ang delivery cost kung meron man.
Mabuti sana kung nagbigay noon ng garantiya ang oil companies na kapag may masamang nangyari sa oil depot ay sagot nila ang mga maaapektuhang residente.
Ang masaklap kay Petillla pa unang-unang narinig ang pagpapatong ng delivery cost sa petrolyo dahil sa paglilipat ng oil depot. Naiisip tuloy ng publiko na tagapagsalita at tagadepensa ng oil companies si Petilla.
Kung totoong tataas ang delivery cost hindi ito dapat ipapasan sa consumers at sa halip ay umisip ng ibang paraan.
Kung mangyayari ito, huwag nang tangkilikin ang tatlong malaking kompanya ng langis at sa halip, ang mga small player na lamang.