BAKIT kaya ang Thanksgiving celebration ay sa Canada at America lang ginagawa? Sana buong mundo itong gawin. Anyway, dahil sa celebrations ng Thanksgiving, ibinabahagi ko ang mga bagay na aking ipinagpapasalamat:
— Ang naging bahagi ako ng Idol Sa Kusina. Wish kong magkaroon ng baking show o maging bahagi ng cooking show. Ilang buwan ang nakalipas, kinonsider akong subukang maging co-host ni Chef ng isang buwan. Matapos ang aking trial period, binigyan ako ng kontrata para sa isang season o tatlong buwan. Matapos ay ni-renew at ginawa na nga akong regular sa nasabing kusina. Sa kasalukuyan, tuwing Linggo ng gabi ay napapanood si Chef Boy Logro sa Idol sa Kusina at ako ay lagi ng nasa tabi niya.
— Ang makapagluto at matutong magluto. Malaki ang utang na loob ko kay Chef Boy dahil ginawa niya akong iskolar sa CLICKS at kapag taping naman ay one on one ang kanyang pagtuturo sa akin. Nabuksan ang interes ko sa pagluluto, gayong dati ay takot na takot ako sa kalan.
— Ang nagkaroon ako ng mga reseller sa probinsiya. Dumami ang nakatikim ng Nutella Rocks, gayundin ang natulungan nito dahil nakapagbigay ako ng kabuhayan sa mga kababaihang walang trabaho.
— Nabiyayaan ako ng driver at delivery man sa katauhan ni Kuya Nonie. Ipinagpapasalamat ko na siya ay masipag, magalang at masikap.
— Nagkaroon ako ng budget upang bumili ng motorsiklo, ipa-customize ang disenyo nito at magkaroon ng isang operational delivery service. Matapos ang dalawang taon ng pagsu-supply at pagco-consign sa mga coffee at teashops, nakalevel up na ako at nagsarili sa paghahatid ng mga orders ng aking customers.
— Ang apelyido ng anak ko.
— Ang magkaroon ng hosting show (bagamat sa mga probinsiya lamang napanood) – Ang Bet Ng Bayan. Bukod sa natupad ang pangarap kong muling makapag-host sa telebisyon (bukod pa sa cooking show na Idol Sa Kusina), nalibot ko ang halos lahat ng lalawigan dahil sa provincial shows ng BNB. Napakasuwerte kong nagtatrabaho at mistulang nagbabakasyon din.
---Ang panibagong pananaw ko sa pagpapapayat at pagiging malusog at tamang pagdidiyeta. Hindi na ako ngayon nag-eehersisyo at nagpapakagutom para lamang pumayat at gumanda ang hitsura. Kumakain ako ng tama upang maging malakas ang pangangatawan.
—Ang manatiling malusog at masigla at mas maging malapit pa sa isa’t-isa ang pamilya ko.