Cargo vessel vs tug boat: Kapitan, crew patay!

MANILA, Philippines — Patay ang dalawa katao kabilang ang kapitan ng barko habang anim pang tripulante ang nasagip makaraang aksidenteng magbanggaan ang isang Panamamian-flagged cargo vessel MV Universe Kiza at kasalubong na M/Tug Sadong 33 tugboat may 10.7 nawtikal na milya sa timog kanluran ng karagatan ng Maasim, Sarangani nitong Martes.
Sa report, sinabi ni Lt. Commander Jerome Bryan Mauring, Acting Public Affairs Officer ng Naval Forces-Eastern Mindanao, alas-4:20 ng madaling araw habang nagsasagawa ng maritime operation ang BRP Dioscoro Papa ng Philippine Navy at Search and Rescue Operation ng Philippine Coast Guard (PCG) nang matanggap ang report hinggil sa salpukan ng barko at tugboat kaya agad nilang nirespondehan at nagsagawa ng search and rescue operation.
Sa imbestigasyon ang MV Universe Kaisa ay patungong General Santos City nang aksidente nitong mabangga ang nasabing tugboat bunsod upang masira ang towing rope at lumubog ito. Bandang alas-10:33 ng umaga nang masagip ang anim na tripulante ng M/TUG Sadong 33 LCT Sea Asia.
Walo ang lulan ng M/Tug Sadong 33 kabilang ang anim na tripulanteng nasagip pero dalawa ang nasawi kabilang ang narekober na bangkay ng ship captain na ‘di pa pinangalanan habang ang isa ay isang tripulante ng nasabing lumubog na tug boat.
- Latest