DOLE: Dagdag-sahod sa Bicol, Zamboanga Peninsula, simula sa Abril
MANILA, Philippines — Inianunsiyo ng Department of Labor and Employment (DOLE) na simula sa susunod na buwan, ang mga minimum wage earners at mga kasambahay sa Bicol Region at Zamboanga Peninsula ay makakatanggap na ng wage hike o umento sa sahod.
Sa abiso ng DOLE, nabatid na ang minimum wage sa Bicol ay magiging P435 na, mula sa dating P395.
Anang DOLE, ang naturang umento ay ipatutupad ng dalawang tranches, kung saan ang una ay epektibo sa Abril 5 at ang ikalawa naman ay sa Disyembre 1, 2025.
Sa pagtaya ng departamento, aabot sa 100,414 minimum wage earners ang inaasahan nilang makikinabang sa naturang wage hike.
Samantala, simula sa Abril 5, ang mga kasambahay sa Bicol ay inaasahang makakatanggap ng P1,000 monthly salary increase.
Dahil dito, aabot na sa P6,000 ang kanilang buwanang sahod mula sa dating P5,000 lamang.
Ang mga kasambahay naman sa Zamboanga Peninsula ay inaasahang makakatanggap ng umento na P900 sa kanilang sahod kada buwan, simula sa Abril 3.
Nangangahulugan ito na ang mga household workers sa chartered cities at first class municipalities sa naturang rehiyon ay makatatanggap na ng P5,500 na suweldo kada buwan. Ang mga nasa ibang munisipalidad naman ay makakatanggap ng sahod na tig-P5,000.
Nabatid na mayroong 18,984 kasambahay sa Zamboanga Peninsula.
- Latest