78-anyos kolektor ng STL, itinumba
TABACO CITY, Albay, Philippines — Dead-on-the spot ang isang senior citizen na nagpapataya ng STL (small town lottery) sa lugar matapos na pagbabarilin ng hindi nakilalang gunman na lulan ng motorsiklo sa Purok-5, Brgy. Buang, Tabaco City, Albay kahapon ng umaga.
Dalawang tama ng punglo sa dibdib mula sa hindi malamang kalibre ng baril ang agad ikinasawi ng biktimang si Felizardo Collantes, 78-anyos, residente ng Purok-6 ng naturang barangay.
Mabilis namang tumakas ang hindi kilalang suspek dahil sa suot nitong helmet patungo sa direksyon ng Ligao City.
Sa ulat, pasado alas-8 ng umaga naglalakad sa kalsada pauwi ang biktima nang biglang sumulpot ang nakamotorsiklong suspek na unang inakala ng mga nakasaksi ay tataya sa matanda pero walang kaabog-abog na pinutukan ng dalawang beses ang biktima na duguang humandusay. Ilan ang nakasaksi sa pamamaril pero hindi agad nakakilos sa takot at pagkabigla hanggang makatakas ang salarin.
Tinitingnan din ng pulisya kung may kaugnayan ang pamamaslang kay Collantes sa naunang kaso ng pamamaril din sa kaibigan nito at kapitbahay noong Setyembre, 2024 na si Eleo Lorico, 60-anyos.
Patuloy sa imbestigasyon ang mga pulis para malaman ang pagkakakilanlan ng suspek at motibo sa pamamaslang.
- Latest