Libu-libong BARMM employees tatanggap ng Ramadan bonus
COTABATO CITY, Philippines — Libu-libong Muslims at Kristiyanong empleyado ng iba’t ibang ministries at support agencies ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ang makatatanggap ng Ramadan bonus simula ngayong Lunes, Marso 24.
Ito ang kinumpirma nitong Linggo ng mga mataas na opisyal ng BARMM government, batay sa isang executive order na nilagdaan nitong nakalipas lang na Huwebes ng bagong talagang chief minister ng rehiyon na si Abdulrauf Abdul Macacua.
Sa mga hiwalay ng ulat ng mga tagapamahala ng iba’t ibang ministries ng BARMM, saklaw ng Ramadan bonus grants ang mga career service employees, mga contractual at job order workers ng regional government.
Ang Ramadan ay isang banal na buwan sa Islam kung saan nag-aayuno ang mga Muslim sa araw bilang religious obligation at bilang sakrispisyo para sa mga maling nagawa. Inaasahang matatapos ang Ramadan, tumatagal ng isang lunar cycle, or 28-30 na araw sa susunod na linggo.
Ang pagtatapos ng banal na buwan ng Ramadan ay kinatatampukan ng “Eid’l Fit’r” celebration, isang mahalagang religious holiday sa Islam na hudyat din ng pagsisimula ng buwan ng Shawwal, sa Islamic lunar-based Hijrah calendar.
- Latest