Puganteng Kano na miyembro ng drug syndicate, naaresto sa Albay
MANILA, Philippines — Arestado ang isang puganteng Amerikano na nagtatago sa Pilipinas dahil sa mga kasong kinasasangkutan nito sa United States of America dahil sa large scale drug trafficking matapos ang ginawang operasyon laban sa kanya ng mga operatiba ng Bureau of Immigration, mga sundalo mula sa Philippine Navy at mga pulis sa pinagtataguan nito sa Sto. Domingo St., Brgy.Ubaliw, Polangui, Albay, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang suspek sa alyas na Tutu, US national, 51-anyos, at pansamantalang nakatira sa naturang barangay.
Sa impormasyong nakuha ng Police Regional Office 5 si Tutu ay kasapi ng Sinaloa Drug Cartel at nagsisilbing enforcer ng Devil’s Disciple Gang na nakabase sa Chicago, USA.
Ayon sa ulat, nakatanggap umano ng komunikasyon ang Bureau of Immigration mula kay Special Agent Andrew Freytag, ng US Drug Enforcement Administration hinggil sa paglabas ng Federal arrest warrant laban kay Tutu mula sa US District Court ng Northern District of Iowa noong Pebrero 26, 2025 dahil sa kasong drug trafficking.
Kilala rin umano ang suspek sa naturang bansa dahil sa bayolente at marahas na pagkulekta nito ng illegal drug money.
Dakong alas-7:40 ng gabi, katuwang ang mga tauhan ng Polangui Municipal Police Station at Naval Intelligence Security Group-Southern Luzon ay sinalakay ng Bureau of Immigration personnel ang tinutuluyan ng suspek na hindi na nanlaban.
- Latest