4 puganteng Koreano arestado ng NBI
MANILA, Philippines — Apat na puganteng Korean national ang nasukol ng National Bureau of Investigation (NBI) sa iligal na operasyon ng online gambling sa isang condominium sa Porac, Pampanga, iniulat kahapon.
Iniharap ng NBI sa mga mamamahayag ang mga suspek na kinilalang sina Kim Minhua Kim Haesu, Kim Minsuu at Jan Jin.
Sinabi ni NBI Deputy Director Ferdinand Lavin na noong Pebrero 27, 2025, nagpatupad ng Warrant to Search, Seize, and Examine Computer Data (WSSECD) ang NBI– Pampanga District Office (NBI-PAMDO) sa Barangay Sta. Cruz, Porac, Pampanga.
Nag-ugat ang kaso sa impormasyon na ang mga nabanggit na lugar ay nagpapatakbo bilang isang illegal online gambling hub na walang lisensya mula sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).
Sa operasyon, nasamsam ng mga awtoridad ang mga computer device at online gambling paraphernalia na ginamit sa pagsasampa ng kaukulang mga kaso.
Bilang bahagi ng imbestigasyon, natuklasan ng mga ahente ng NBI-PAMDO, sa pakikipagtulungan ng Interpol, Korean Embassy, at Korean National Police Agency, na sina Kim Minha at Kim Haesu ay mga Korean fugitive na wanted para sa prosekusyon ng gobyerno ng Korea at naisyuhan ng Interpol Red Notice. Silang dalawa ay miyembro ng Korean voice phishing syndicate na nagtago sa Pilipinas mula noong 2017.
- Latest