Bebot hinoldap, ni-rape ng motor-taxi driver!

MANILA, Philippines — Bagsak kalaboso ang isang 22-anyos na estudyanteng driver ng isang motorcycle ride-hailing app matapos ireklamo ng panghoholdap at panggagahasa sa isang babaeng pasahero sa Brgy. Mambaling, Cebu City noong Marso 13, ayon sa ulat nitong Sabado.
Sa report ng Cebu City Police, ang suspect ay isang 2nd year electrical technology student sa isa sa mga unibersidad ng lungsod na ito.
Base sa reklamo ng biktimang si Dianne, ‘di tunay na pangalan, nag-book umano siya ng motorcycle taxi noong madaling araw ng Marso 13 at kasalukuyan na itong bumabagtas sa South Road Properties ng lungsod ng mapansin niyang hindi ang kaniyang nai-book ang kaniyang sinasakyan.
Ayon kay Dianne, pansamantalang tumigil sa lugar ang nasabing driver at idinahilan na naiihi pero pagbaba nito sa motorsiklo ay tinutukan siya ng screwdriver saka nagdeklara ng holdap.
Nagawang makuha ng suspect ang iPhone 11 ng biktima na nagkakahalaga ng P20,000 at P2,500 cash. Pero hindi pa nakuntento at hinatak pa ang biktima sa madilim na lugar saka ginahasa.
Sinabi ng biktima sa mga imbestigador na habang nagpapagasolina ang suspect sa Brgy. San Roque ay nagawa niyang makuha ang plaka ng motorsiklo kung saan inabandona siya ng suspect at dito’y agad niyang ini-report sa Mambaling Police Station 11.
Sa follow-up operations kamakalawa, nagawang masundan ng pulisya gamit ang Global Positioning System (GPS) na nakakabit sa motorsiklo ang pinagtataguan ng suspect na nakorner sa Transcental Highway sa Balamban, Cebu.
Nabawi sa suspek ang kinulimbat na cellphone ng biktima pero nagasta na nito ang P2,500 cash.
- Latest