Receptionist dedo sa bangga ng pulis
MANILA, Philippines — Patay ang isang receptionist nang mabangga ng isang motorsiklo na minamaneho ng isang pulis habang tumatawid sa highway sa Antipolo City, Rizal, ayon sa ulat ng pulisya kahapon.
Naisugod pa sa Rizal Provincial Hospital Annex I ang biktimang si Analyn Singson, 48, receptionist, at residente ng Brgy. Bagong Nayon, Antipolo City ngunit idineklara na ring patay ng mga doktor dahil sa matinding pinsala sa ulo.
Samantala, nasa kustodiya naman ng mga awtoridad ang pulis na si alyas ‘Jace,’ 43, na residente rin ng Antipolo City.
Lumilitaw sa ulat ng Antipolo City Police na dakong alas-11:10 ng gabi nang maganap ang insidente sa Marcos Highway, tapat ng Super Mama Motorshop, Sitio Gumamela, sa Brgy. Sta. Cruz, Antipolo City.
Kasalukuyan umanong minamaneho ng pulis ang kanyang Kawasaki motorcycle at binabagtas ang Marcos Highway, mula Masinag patungong Cogeo, nang tumawid ang biktima, sanhi upang mabangga niya ito at masawi.
- Latest