MANILA, Philippines — Binuhusan ng gasolina at sinunog ng isang vlogger ang sarili para mag-viral ang video nito at sumikat sa kaniyang online content sa bayan ng Calinog, Iloilo, ayon sa ulat kahapon.
Ang vlogger na tinukoy na si Isaganijudyan Camare Canja alyas “Boy Negro” ng nasabing bayan ay ini-upload ang nasabing video noong Marso 9.
Bago ginawa ang kaniyang vlog ay makikita sa video si Boy Negro na hawak ang dalawang plastic cups na may lamang gasolina.
“Sa mga bata diyan, huwag niyo gayahin ginagawa ni Boy Negro. Mga content creator lang gumagawa “, buong pagyayabang pang tinuran ni Boy Negro saka uminom pa ng gasolina at sinindihan ang kaniyang sarili sa tulong ng isang tao may hawak na tuyong stick.
Sa 44 segundong video ay makikitang humihiyaw sa matinding sakit ang nasabing vlogger na nahulog pa sa isang maliit na butas sa lugar.
Samantala, nitong Lunes ay nag-post ng larawan si Boy Negro na humihingi ng pinansyal na tulong sa kaniyang mga followers para pambayad sa kaniyang hospital bills matapos siyang magpagamot sa pagkasunog ng kanyang katawan.
Sa kaniyang mga naunang videos na ini-upload sa Facebook, iba’t ibang hamon ang isinagawa ng nasabing vlogger tulad ng pag-inom ng bleach, pagkain ng sabong panlaba at uod at iba pa.
Kinondena naman ng netizens ang ginawa ni Canja na lubhang delikado umano na hindi dapat pamarisan.