COTABATO CITY, Philippines — Patay ang isang residente at ang driver ng isang malaking boom-type crane truck na umararo sa ilang kabahayan sa gilid ng kalsada sa Barangay Ashang, Matanao, Davao del Sur nitong Biyernes.
Sa ulat ng Matanao Municipal Police, matitinding sugat, bali at pasa sa katawan ang sanhi ng pagkamatay ng driver ng truck na si Jeffrey Nacion, 39, at ang may-ari ng isa sa mga bahay na binangga nito na si Ferino Collamat, 65-anyos.
Ayon sa pulisya, nawalan ng kontrol sa manibela ng kanyang minamanehong truck si Nacion dahil sa “mechanical trouble” kaya ito lumihis hanggang sa nagtuluy-tuloy na inararo ang mga bahay sa gilid ng highway at nasagasaan si Collamat.
Lumagpak pa nang patagilid ang truck kaya nagtamo ng matinding pinsala sa katawan si Nacion na kanyang ikinasawi habang bahagyang nasaktan ang helper nito.