Gun ban sa 2 Moro provinces pinalawig
MANILA, Philippines — Mas pinalawig pa ng pulisya ang pagpapatupad ng election gun ban sa Maguindanao del Sur at Maguindanao del Norte kasunod ng mga pamamaril-patay sa dalawang probinsya nitong nakalipas na dalawang linggo.
Apat na ang napatay sa mga pamamaril sa Maguindanao del Norte habang 10 katao naman ang nasawi sa mga katulad na insidente sa Maguindanao del Sur mula ng ipatupad ng Commission on Elections ang gun ban sa buong bansa nitong January 12 kaugnay ng nakatakdang May 2025 elections.
Sa ulat nitong Huwebes ni Brig. Gen. Romeo Juan Macapaz, director ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, nagpakalat na sila nitong Miyerkules ng mas maraming mga pulis sa mga gun ban checkpoints sa dalawang probinsya upang mapigil ang mga abusadong residente sa pagdadala ng baril na walang mga lisensya at pahintulot mula sa Comelec.
Isa sa mga units ng PRO-BAR na nagpapatupad ng gun ban ang 1st Provincial Mobile Force Company na pinamumunuan ni Lt. Col. Esmael Madin.
Kabilang sa mga lugar na saklaw ng gun ban implementation nila Madin at kanyang mga tauhan ang Cotabato Airport sa Barangay Awang at ang Barangay Tamontaka, parehong nasa Maguindanao del Norte, na siyang entry route mula sa mga bayan sa probinsya patungo ng Cotabato City na kabisera ng Bangsamoro region.
Dalawa na ang napatay habang isa naman ang sugatan sa mga pamamaril sa Datu Odin Sinsuat nitong nakalipas na dalawang linggo, ayon sa tala ng Maguindanao del Norte Provincial Police Office at ng PRO-BAR.
- Latest