PRO3 chief Gen. Fajardo, binisita ang Bulacan PPO

Ginawaran ng mainit na pagsalubong si PRO3 chief PBrig. Gen. Jean Fajardo sa kanyang pagbisita sa Bulacan Provincial Police Office (PPO) bilang bahagi ng kanyang Command Visit sa lahat ng PPO sa Central Luzon, kamakalawa.
Kuha ni Omar Padilla

MALOLOS CITY, Bulacan, Philippines — Binisita ni Police Regional Director 3 PBrig. Gen. Jean Fajardo ang Bulacan Police Provincial Office (PPO) bilang bahagi ng kanyang Command Visit sa lahat ng Provincial Police Office sa Region 3, kamakalawa.

Bilang bagong talagang pinuno ng Central Luzon Police, sinabi ni Gen. Fajardo sa mga opisyal at kawani ng Bulacan PPO na ipagpatuloy lamang ang direktiba ni PNP chief General Francisco Marbil na maging isang modern civilian centric police force.

Sinabi rin ni Gen. Fajardo na maging mapagbantay ang lahat ng kasapi ng police force sa nalalapit na eleksyon upang mapanatili ang mapayapa, matiwasay at tahimik na halalan sa buong Region 3.

Ininspeksyon din ni Gen. Fajardo kasama si PCol. Satur Adiong ang mga nakumpiska, isinuko at mga dinepositong armas sa Kampo Heneral Alejo Santos sa Malolos City nitong nakalipas na anim na buwan.

Sa pagtatala ng Bulacan Police, aabot sa 405 na armas kabilang ang 227 na dineposito, 58 ang isinuko at 120 na nakumpiska sa iba’t checkpoint sa lalawigan ang ininspeksyon ni RD Fajardo sa pagbisita niya sa Bulacan PPO.

Kasabay ng kanyang pagbisita, nagsagawa ng command conference si Gen. Fajardo upang ipaalam sa mga tauhan ang kanyang mga marching orders lalo pa’t papalapit na ang kampanya at May 2025 elections.

Nag-courtesy call din si RD Fajardo kay Bulacan Governor Daniel Fernando pagkatapos ng command conference sa kampo Alejo Santos.

Show comments