RIZAL, Philippines — Patay ang isang security guard nang pagbabarilin ng kanyang karelyebo matapos itong mapikon dahil sa umano’y madalas na pagpasok ng late ng biktima sa pinagtatrabahuhan nilang warehouse sa Antipolo City kamakalawa.
Dead-on-the-spot ang biktimang si Jeremy Matugina, 34, bunsod ng tinamong mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan habang kusang-loob namang sumuko sa kanilang mga kasamahang security guard ang suspek na si alyas ‘Al.’
Lumilitaw sa inisyal na pagsisiyasat ng Antipolo City Police na dakong alas-7:30 ng umaga nang maganap ang krimen sa STMI Warehouse, na matatagpuan sa J.P. Rizal St., Brgy. Dela Paz, sa Antipolo City.
Nauna rito, dapat sana umano ay tapos na ang duty ng suspek ng alas-7:00 ng umaga pero hindi siya agad nakauwi dahil late at alas-7:30 ng umaga na nang dumating ang biktima, na kanyang ikinagalit. Sinita nito ang biktima kung kaya nauwi sa kanilang mainitang pagtatalo hanggang sa bumunot ng baril na issued firearm ang suspek at tatlong beses niyang pinaputukan ang biktima na agaran nitong ikinasawi.
Sa panayam ng media, idinepensa ng suspek na nagkapatung-patong na ang galit niya sa biktima kaya’t nagawa niyang barilin. Paliwanag niya, bukod kasi sa nali-late sa trabaho ang biktima ay madalas din siyang pagbantaan nito.
“Na-late po eh tapos minsan nag-straight duty na ko tapos hindi na rin niya ako pinasukan noon. Nagsabay-sabay na po ‘yung galit ko tsaka ‘yung sa pagbabanta niya po,” anang suspek na nakapiit na at mahaharap sa kasong pagpatay sa piskalya.