COTABATO CITY, Philippines — Patay ang isang lalaking Moro habang ang kasamang Army intelligence agent nang pagbabarilin ng mga armadong motorista sa Barangay Dapantis sa Radjah Buayan sa Maguindanao del Sur nitong umaga ng Linggo.
Sa pahayag nitong Lunes ni Brig. Gen. Juan Macapaz, director ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, magkasama sa isang lugar sa Barangay Dapantis si Jabber Amil Ambal at ang isang army sergeant na kasapi ng 33rd Infantry Battalion nang lapitan ng mga lalaking sakay ng motorsiklo at paputukan ng walang habas.
Agad na namatay sa mga tama ng bala si Ambal, ayon sa ulat ng Radjah Buayan Municipal Police Station kay Macapaz.
Nagtutulungan ang mga opisyal ang 33rd IB na sakop ng 601st Infantry Brigade at ang mga imbestigador ng lokal na pulisya sa pagkilala sa mga tumambang sa dalawa upang masampahan ng kaukulang mga kaso.
May intelligence mission sa Barangay Dapantis ang sundalong kasama ni Ambal na nasugatan sa naturang pamamaril.
Ayon kay Macapaz, tumulong ang mga local government officials sa Radjah Buayan sa paglutas ng naturang krimen.