May-ari ng resort huli sa raid!
Iba’t ibang baril, bala samsam
CAMP VICENTE LIM, Laguna, Philippines – Arestado ang isang may-ari ng resort na sangkot umano sa ilegal na gawaing kriminal at nakuhanan ng iba’t ibang uri ng hindi lisensyadong baril at mga bala sa isinagawang pagsalakay ng pulisya sa Brgy. Pinugay, Baras, Rizal.
Kinilala ni Lt. Col. Wilson Caro, hepe ng Regional Intelligence Unit for Operation, ang suspek sa alyas na “Miguelito”, negosyante, at owner ng resort na umano’y konektado sa criminal gang na itinuring na gun repair man.
Ayon kay Caro na kinasuhan ang suspek ng illegal possession of firearms in relation to the Omnibus Election Code.
Ang operasyon ay nag-ugat sa ilang mga nagrereklamo dahil sa madalas umanong paglalabas ng mga baril ni Miguelito sa kanyang lugar at umano’y nagtatago ng armas sa kanyang tirahan na matatagpuan sa Sitio Kapatagan, sabi ni Caro.
Aniya, sa beripikasyon at koordinasyon sa Civil Security Unit-4a, napag-alaman ng pulisya na walang rehistradong armas ang suspek at walang permit gun license, kaya naghain na ng search warrant ang pulisya.
Sa bias ng search warrant inisyu ni Executive Judge Agripino R. Bravo ng RTC Lucena City, sinalakay ng mga operatiba ng RIU4A at mga lokal na awtoridad ang bahay ni Miguelito sa Sitio Kapatagan noong Martes ng alas-4:20 ng hapon, at narekober ditto ang isang video na nagpapakitang may hawak ang suspek ng baril at nagpapaputok sa pampublikong lugar malapit sa kanyang tirahan at resort.
Sinabi ng mga awtoridad na may kakayahan si Miguelito sa pagkukumpuni ng mga sirang baril, kaya siya ay pinagkakatiwalaang kontak para sa mga grupo ng mga magnanakaw at magnanakaw ng motorsiklo na kumikilos sa Rizal at National Capitol Region.
- Latest