Biyuda pinagnakawan, pinatay ng kapitbahay
MANILA, Philippines — Pinaniniwalaang pinatay sa pamamagitan nang pagtakip ng unan sa mukha ang isang 56-anyos na biyuda matapos na pagnakawan ng kapitbahay sa Zone-5, Brgy.Catabangan Proper, Ragay, Camarines Sur kamakalawa ng madaling araw.
Dakong ala-1:30 ng madaling araw, nakahiga pa subali’t hindi na humihinga habang nakatakip ang unan sa ulo nang makita ng kanyang manugang na babae ang biktimang si Lyn at nadiskubreng nawawala ang ilang gamit nito at pera sa loob ng kwarto.
Sa tawag ng punong barangay ng lugar, ay mabilis na rumesponde ang mga tauhan ng Ragay Municipal Police Station.
Ayon sa mga kaanak ng biktima, posibleng napasok ng magnanakaw ang bahay nang maabot nito ang lock ng pinto sa pamamagitan ng katabing bintana.
Sa pagsisiyasat ng mga pulis ay nadiskubreng nawawala ang pera nito na umaabot sa P100,000 pati na ang itim na cellphone na nagkakahalaga ng P3,000.
Nang tingnan ang kopya ng CCTV-camera at sa testimonya ng ilang saksi ay natukoy ang pagkakakilanlan ng suspek na si Jess na agad na umamin nang maaresto.
- Latest