CAVITE, Philippines — Dahil sa hindi inaasahang pagsabog habang nagluluto ng illegal na droga, nadiskubre ng mga awtoridad ang isang mini-shabu laboratory na kitchen-type sa tagong bahay sa Brgy. Sahud ulan, Tanza, dito sa lalawigan, kahapon.
Apat na suspek na kinabibilangan ng isang Chinese, dalawang Indonesian national at isang Pilipino na pawang nakatakas ang diumano’y nagmamaniobra ng mini-laboratory ng shabu.
Sa inisyal na ulat ng Tanza Police, alas-6 ng umaga nang magulantang ang mga residente nang makarinig sila ng isang malakas na pagsabog sa Leon Fojas St. Brgy. Sahud-Ulan, Tanza.
Sa agarang pagresponde sa lugar ng Tanza Bureau of Fire Protection (BFP) sa pangunguna ni Fire Sr. Insp. Armand Lee Andres, bumungad sa kanila sa loob ng bahay ang nagkalat na kagamitan, mga kemikal na posibleng gamit sa paggawa ng shabu, at iba’t ibang drug paraphernalia na kasangkapan sa pagluluto ng droga.
Agad itinawag sa pulisya, at sa paunang pagsisiyasat ni Cavite Police provincial director PCol. Dwight Alegre, wala na silang naabutan na mga suspek sa nasabing bahay. Nobyembre pa ng nakaraang taon diumano nagsimulang umupa umano ang mga suspek sa bahay, habang ang may-ari ay nasa ibang bansa.
Rumesponde rin sa lugar ang mga ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na siyang sumuri sa mga nasamsam na ebidenysa.
Patuloy ang imbestigasyon sa sanhi ng pagsabog na nagdulot ng bahagyang pagliyab, at sa pagkakakilanlan ng mga suspek.