Taas-singil sa amilyar sa Imus City, iniaangal

Ang mataas na buwis na ipinatupad simula Enero 1, 2024, ay alinsunod umano sa Sangguniang Panlungsod ng Imus Ordinance No. 05-230 Series of 2023.

IMUS CITY, Cavite, Philippines — Umaaray ngayon ang mga residente ng Imus City sa biglaang pagtaas ng amilyar o property tax na umabot sa hindi inaasahang 300% hanggang 2,300% matapos ang reassessment ng land values.

Ang mataas na buwis na ipinatupad simula Enero 1, 2024, ay alinsunod umano sa Sangguniang Panlungsod ng Imus Ordinance No. 05-230 Series of 2023.

Sa ilalim ng pamumuno ni Mayor Alex Advincula na nagsimula ng unang termino noong 2022, nagkaroon ng malakihang revision sa Schedule of Fair Market Value (SFMV) ng mga ari-arian sa lungsod.

Ang amilyar ay ang taunang buwis sa lupa na base sa assessed market value ng ari-arian.

Ang biglaang pagtaas sa property values at amilyar rates, ang pinakamataas sa buong Cavite, ay ikinabigla ng maraming residente at maraming nagsasabi na hindi makatarungan at pabigat ang mga taas-singil na ito.

Inihalimbawa sa mga lugar ng Malagasang-Bucandala-Alapan Bypass at New Imus Boulevard, tumaas ng 2,000% ang market value na mula P800 per square meter noong 2011 ay naging P16,800 noong 2024.

Sa Bucandala-Alapan Road at Advincula Avenue, umabot naman sa 1,375% ang pagtaas na naging P11,800 per square meter.

Sa pinakamataas, ang Vermosa Commercial Lots sa Daang Hari Road ay umabot ng 2,300% na pagtaas, mula P900 per square meter noong 2011, naging P21,600 na noong 2024.

Sa buong lungsod, ang mga property values umano ay tumaas ng 300% hanggang higit 1,000%, na parehong nakaapekto sa residential at commercial properties habang ang ilan sa mga homeowners na may 100-square-meter na ari-arian ay kailangang magbayad umano ng triple kumpara sa dating buwis.

Show comments