MANILA, Philippines — Isa ang patay habang pito pa ang sugatan nang magkabanggaan ang dalawang rider habang nagkakarera at nagpapakitang-gilas sa Marilaque Highway sa Tanay, Rizal.
Hindi muna isinapubliko ang pagkakakilanlan ng nasawing rider, gayundin ng kanyang kakarerahan na malubha ring nasugatan, at ng anim na iba pang nadamay rin sa insidente.
Sa ulat ng Tanay Municipal Police, Linggo nang maganap ang insidente sa isang pakurbadang bahagi ng Marilaque Highway sa Tanay.
Sa isang video footage, makikitang nagka-karera sa kanilang motorsiklo ang mga rider at nagpapakitang-gilas, sa pamamagitan ng pagsu-superman ride o pagdapa sa motorsiklo habang nakataas ang mga paa.
Gayunman, pagsapit sa pakurbadang bahagi ng highway, nagkabanggaan ang mga riders at nawalan ng kontrol sa kanilang motorsiklo.
Inararo rin nila ang anim pang riders, na nanonood lang sa gilid ng kalsada.
Kaagad namang naisugod ang mga biktima sa pagamutan pero isa ang nasawi sa tinamong matinding pinsala sa ulo at katawan.