PWLD binigyan ng pera, pagkain bago ni-rape ng obrero
MALOLOS CITY, Bulacan, Philippines — Arestado ng mga awtoridad ang construction worker na umano’y gumahasa sa 26-anyos na babaeng may Person With Learning Disability (PWLD) sa lungsod ng San Jose Del Monte (SJDM).
Kinilala ng pulisya ang suspek na si alyas DACUP 44, habang ang biktima ay itinago sa pangalang “Kat”, kapwa residente ng Brgy. Citrus.
Sa report ng SJDM Police Station, naganap ang insidente sa pagitan ng 8:00 ng gabi hanggang 10:00 ng gabi nitong Enero 26 sa nabanggit na lugar.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon, mahigit isang linggo na minanmanan ng suspek ang kilos ng biktima para mapaamo at maisama sa kanyang bahay.
Nabatid na binibigyan ng suspek ang biktima ng pera at pagkain hanggang isang araw ay nahikayat niyang sumama sa kanyang bahay at tuluyang puwersahang ginahasa.
Nang makita ang ina, agad isinumbong ng biktima ang kahalayang nangyari kaya agad silang humingi ng saklolo sa barangay na rumesponde sa lugar at inaresto ang suspek na kalaunan ay isinuko sa pulisya.
Nahaharap ang suspek sa kasong statutory rape na nakakulong sa istasyon ng pulisya habang ang biktima ay nakatakdang pumunta sa Regional Forensic Unit 3 para sa genital examination.
- Latest