Hepe ng pulisya, sugatan sa raid sa tupada

BULUSAN, Sorsogon, Philippines — Sugatang isinugod sa pagamutan ang hepe ng pulisya matapos na saksakin sa likod ng isang lalaki sa gitna nang pagtatalo sa inilatag na raid ng mga pulis sa ginagawang iligal na sabong (tupada) sa Sitio Capiricohan, Brgy.San Isidro, Bulusan, Sorsogon ka­makalawa ng umaga.

Nagtamo ng isang saksak sa likod at mabilis na isinugod sa pagamutan ang hepe na si Capt.James Genita, 48, habang tinutugis na ang tumakas na suspek na si Dante Fualo, 50, magsasaka, residente ng naturang lugar.

Sa ulat, dakong alas-8:30 ng umaga kasama ang mga tauhan mula sa Bulusan Municipal Police Station ay sinalakay ng grupo ni Capt. Genita ang naturang lugar dahil sa ulat na nagkakaroon ng iligal na sabong. Pagdating ng mga pulis, nagkaroon ng pagtatalo sa pagitan ng mga mananabong. Gayunman, mula sa likod at maraming tao ay biglang sumulpot ang suspek na armado ng patalim at sinaksak ang biktima saka mabilis na tumakas.

Agad isinugod sa Gubat District Hospital ng kanyang mga tauhan ang hepe habang inihahanda na ang patung-patong na kaso laban sa suspek.

Show comments