Bangka tumaob sa Laguna Lake: Mangingisda patay, 1 pa missing!
MANILA, Philippines — Patay sa pagkalunod ang isang mangingisda habang nawawala ang isa pang kasamahan matapos na tumaob ang sinasakyan nilang bangka habang nangingisda sa Laguna Lake, sa Pililla, Rizal kamakalawa.
Dead-on-arrival sa Ynares Municipal Hospital ang biktimang si Marjun Sabado, 32, habang patuloy pang pinaghahanap ng mga awtoridad si Patrick Ragaas, 21.
Pinalad namang makakapit sa isang puno ng kawayan at mailigtas ng kapwa mangingisda ang isa pang biktima na si Prince Jehan Custodio.
Lumilitaw sa ulat ng Pililla Municipal Police Station na dakong alas-4:00 ng hapon nang maganap ang insidente sa Laguna Lake, na sakop ng Brgy. Quisao, sa Pililla.
Bago ang trahedya ay pumalaot sa lawa ang mga biktima, lulan ng isang maliit na bangka, upang mangisda.
Gayunman, sa ‘di pa batid na kadahilanan ay minalas na tumaob ang kanilang bangka.
Masuwerte namang nagawa ni Custodio na makalangoy at makakapit sa isang puno ng kawayan na lumulutang sa lugar, hanggang sa mamataan siya at masagip ng isa pang mangingisda na si Willy Perez.
Kaagad rin silang humingi ng tulong mula sa PCG-Pililla Station at BAKLAD members, na mabilis na nagsagawa ng rescue operation para kina Sabado at Ragaas ngunit wala nang buhay si Sabado nang kanilang matagpuan.
- Latest