3 empleyado pinaahon sa pool, nang-armalite: 1 todas!

Dead-on-arrival sa pagamutan dahil sa tinamong mga tama ng bala, mga taga at saksak sa katawan ang biktimang si Dionisio Cabcaban, habang inoobserbahan sa Tagaytay Medical Center ang sugatang si Emelinda Bacordo; pawang stay-in employee ng Hacienda El Vinarios Resort sa Pulong Bunga Road, Purok 2, Brgy. Bucal, Silang, Cavite.

Nabitin sa paliligo sa resort…   

CAVITE, Philippines — Patay ang isang empleyado ng resort habang sugatan ang isa pang babaeng katrabaho makaraang pagbabarilin at pagtatagain ng tatlo ring kasamahan na nagalit nang pinaahon habang nagsu-swimming sa Brgy. Bucal, bayan ng Silang, dito sa lalawgan, Sabado ng gabi.

Dead-on-arrival sa pagamutan dahil sa tinamong mga tama ng bala, mga taga at saksak sa katawan ang biktimang si Dionisio Cabcaban, habang inoobserbahan sa Tagaytay Medical Center ang sugatang si Emelinda Bacordo; pawang stay-in employee ng Hacienda El Vinarios Resort sa Pulong Bunga Road, Purok 2, Brgy. Bucal, Silang, Cavite.

Arestado naman ang isa sa tatlong suspek na si alyas “Carlo” habang nakatakas ang dalawang kapwa empleyado ng resort na sina alyas

“Jabbar” at alyas “Rico”.

Ang tatlong suspek ay nahaharap sa mga kasong murder at frustrated murder.

Sa inisyal na report ng Silang Police, lumalabas na ang tatlong suspek at dalawang biktima ay pawang empleyado ng Hacienda El Vinarios Resort kung saan naganap mismo ang krimen dakong alas-9:15 ng gabi.

Nauna rito, nag-iinuman umano ang tatlong suspek sa loob ng resort at kanilang ginamit ang pool sa pagsu-swimming. Dahil sa medyo late na ang oras, sinabihan ng dalawang biktima ang tatlong suspek na umahon na sa paliligo dahil sa may instruction umano ang may-ari ng resort na kailangan nang linisin ang swimming pool bago ang pagdating ng kanilang mga guests at customers.

Imbes na tumalima, nairita umano ang mga suspek makaraang mabitin sa magsu-swimming sanhi ng kanilang mainitang pagtatalo.

Sa gitna ng banga­yan, pumunta sa may pool area ang mga suspek at ilang sandali nang bumalik ay may dala-dala nang M-16 rifle si alyas Carlo, habang ang dalawang kasama ay may hawak na mga bolo.

Agad na pinagbabaril ni alyas Carlo si Cabcaban sa iba’t ibang parte ng katawan at si Bacorbo na  tinamaan ng bala sa hita. Nang duguang bumagsak ang dalawa ay muli pa silang sinugod nina alyas Jabbar at alyas Rico saka inundayan ng mga taga at saksak sa katawan gamit ang mga itak.

Kasunod nito, mabilis na tumakas ang mga suspek pero agad na naaresto si alyas Carlo.

Kapwa naman itinakbo sa nasabing ospital ang dalawang biktima subalit idineklarang patay si Cabcaban. Narekober sa naarestong suspek ang M16 rifle na ginamit sa pamamaril habang tangay ng dalawang suspek ang mga itak na ginamit sa pagkatay sa dalawang kasamahan.

Nagkasa na ng manhunt operation ang Silang Police laban sa dalawang tumakas na suspek.

Show comments