BAAO, Camarines Sur , Philippines — Huli ang isang 71-anyos na kagawad at dalawang iba pa matapos maaresto sa inilatag na drug buy-bust operation sa Zone-1, Brgy. Nababarera, Baao, Camarines Sur kamakalawa ng madaling araw.
Kinilala ang mga suspek na si Ruben Ramirez, kinokonsiderang high value target (HVT), residente at incumbent kagawad ng Barangay Nababarera; at mga kasamang sina Maria Canicula, 32, may-asawa, at Marvin Andaya, 23.
Tinutugis naman ng awtoridad ang isa pang suspek na nakatakas at main target sa buy-bust na kinilalang si Ronel Ramirez, 39-anyos.
Sa ulat, si Kgd. Ramirez at dalawa pang naaresto ay nakapiit na at kapwa kakasuhan sa paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Sa ulat, dakong alas-2:34 ng madaling araw ay magkatuwang na inilatag ng mga ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)-Camarines Sur Field Unit at mga operatiba ng Baao Police Drug Enforcement Unit ang buy-bust operation laban sa mga suspek.
Nang magkaabutan ng droga at bayad, agad inaresto ng mga anti-narcotics operatives ang mga suspek pero nakatakas ang pinaka-target sa operasyon na si Ronel Ramirez.
Nakuha sa mga naiwang suspek ang mahigit 60-gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P428,000 at mga drug paraphernalia. (]