Reelectionist councilor sa Ilocos, itinumba
MANILA, Philippines — Patay ang isang reelectionist na municipal councilor ng Caoayan, Ilocos Sur matapos na malapitang pagbabarilin sa Brgy. Tamag, Vigan City, Ilocos Sur nitong Sabado ng umaga.
Sa report ng Ilocos Sur Provincial Police Office, kinilala ang biktima na si Anthony Verzola, naninirahan sa Brgy. Callaguip, Caoayan na idineklarang dead-on-arrival sa opsital sanhi ng mga tinamong tama ng bala sa ulo.
Ayon sa pulisya, habang nakaupo sa harapan ng isang restaurant si Verzola dakong alas-6 ng umaga nang biglang sumulpot ang riding-in-tandem assassins. Isa sa mga suspek ang bumaba sa motorsiklo at malapitang pinaputukan nang sunud-sunod sa ulo ang konsehal.
Duguang bumulagta ang konsehal habang mabilis na nagsitakas ang mga salarin na sinamantala ang pagkakagulo ng mga tao sa lugar.
Narekober sa crime scene ang mga basyo ng bala ng cal. 45 caliber pistol habang patuloy na inaalam ang motibo ng krimen at isa sa mga anggulong sinisilip ay may kaugnayan sa “pulitika”.
- Latest